Tiangge Dapat Ding Iparehistro – BIR

PINAALALAHANAN NG Bureau of Internal Revenue ang mga tiangge sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng bansa na irehistro ang kanilang establisyemento at magbigay ng official receipt o invoice sa kanilang mga kustomer.

Ito ang sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares habang dumarami ang mga tiangge sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa maraming ibenebentang kalakal sa murang halaga.

Inatasan ng kalihim ang mga revenue district officer na regular na magsagawa ng inspeksiyon sa mga commercial establishment, subdivision, liwasan at iba pang pampublikong lugar na mayroong mga bazaar at exhibit upang matiyak na tumutugon ang mga ito sa regulasyon ng ahensiya.

Bunsod nito, mapalalawak pa ang data bank ng BIR sa pagdaragdag ng mga hindi naka-rehistrong taxpayer na hindi naisama sa tax mapping drive.

Sa ilalim ng Revenue Regulation No. 16-2013, inihayag ni Henares na responsibilidad ng isang tiangge organizer na magsumite ng listahan ng mga pangalan at address ng mga may tindahan at ibawas ang withholding tax sa mga rental fee na may katumbas na limang porsiyento.

Ang registration fee sa bawat tindahan sa tiangge ay P500.

Samantala, ang hindi naman pagrerehistro ay may katumbas na multa na higit sa P500 kasama ang 20 porsiyentong interes, 25 porsiyentong surcharge kada taon at P200 minimum compromise penalty.

Ayon pa sa opisyal, hindi dapat lalagpas ang operasyon ng tiangge sa dalawang linggo sa bawat taxable year, o ang may-ari ng tindahan ay kokonsiderahing regular na nangangalakal na hindi dapat saklaw bilang “privilege store” operator.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “Tiangge Dapat Ding Iparehistro – BIR

  1. lahat nalang ba ng kikitain ng tao gustong kunin ng gobyerno..sa mga binibili natin may tax, sa trabaho may tax..ngayon pati pa malilit na tiyangee gusto na naman kuhaan source of kurakot. ano ba tong bansa natin??kakarampot na kita gusto pang kunin.

Leave a Reply

Your email address will not be published.