TG Guingona, dumipensa sa reklamo ni Jinggoy

NANINDIGAN ANG chairman ng Senate blue ribbon committee na ginagampanan lamang nito ang trabaho na siyasatin ang mga anomalya sa pamahalaan.

Ito’y kasunod ng mga patutsada ni Sen. Jinggoy Estrada kung saan tinawag nito na ‘offensive foul’ ang ginagawang pagsisiyasat kontra sa kanila sa isyu ng PDAF scam at tumayo pa kahapon ang senador sa Senado para magreklamo sa umano’y ‘trial by publicity’.

Inihayag ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng komite na sinabi nitong hindi naman siya namemersonal sa senador para sabihin nitong “offensive foul” ang mga komento at pahayag sa testimonya ni Ruby Tuason.

Aniya, kailangang lang na gawin ang nasabing hearing dahil ‘yun ang trabaho niya bilang pinuno ng komite.

“Trabaho lang ‘yan, walang personalan. Chairman ako ng senate Blue Ribbon Committee at kailangan i-hearing ko ang mga anomalya sa gobyerno. Trabaho lang, trabaho lang ‘yan,” pahayag ni Guingona.

Hindi rin pinalampas ni Guingona si Vice Pres. Jejomar Binay matapos ihayag din ng pangalawang pangulo na ‘trial by publicity’ ang nangyayari ngayon sa usapin sa PDAFscam.

Sinabi ni Guingona na nirerespeto niya ang opinyon ni Binay subalit hindi naman maaaring hindi na siya magsiyasat.

Iginiit nitong kailangang maipaalam sa taumbayan kung ano ang totoong nangyari, paano ninakaw ang pork barrel fund, sino ang mga sangkot at ano ang mga dapat gawin para hindi na maulit.

“Hindi yan trial by publicity, kailangan gampanan natin. So, hindi na ako mag-imbestiga? Tatahimik na lang ako, ganu’n ba? Hindi naman pwede yun, hindi naman tama yun, alam naman nila lahat yan,” ayon kay Guingona.

Nilinaw rin nito na hindi niya ito ginagawa para sa kanyang sariling kapakanan matapos may nagsasabing para lang ito sa kampanya sa susunod na eleksyon.

Ayon sa mambabatas, hindi naman planado ang paglutang ni Ruby Tuason na itinuturing ngayong ‘eye witness’.

Patapos na rin sana sila sa pagsisiyasat ngunit lumutang si Tuason at kailangan itong ipatawag sa imbestigasyon at nagpapasalamat naman sila dahil malaking kalinawan sa isyu ang mga pag-amin nito.

Una rito, personal na ipinaabot ni Estrada kay Senate President Franklin Drilon ang kanyang hinaing sa pagsasabing hindi na tama ang ginagawa ni Guingona dahil hinusgahan nang maaga sa kanyang kaso.

Hindi na nagpaliwanag ang liderato ng Senado sa halip ay ipinaubaya ang pagsagot sa chairman ng komite na nagkataon namang hindi dumalo sa session.

Patuloy na iginiggiit ng senador na wala siyang kinamal na pera mula sa kaban ng bayan sa halip biktima raw siya ng trial by publicity.

Muli ring inungkat ni Estrada ang kahilingan nitong ilabas ang CCTV footage nang ihatid umano ni Ruby Tuason sa kanyang tanggapan sa Senado ang sinasabing kickback mula sa itinuturong mastermind ng pork scam na si Janet Lim-Napoles.

Ayon naman kay Drilon, hindi na marekober ang naturang kopya ng CCTV sa panahon nang inihatid umano ang pera sa tanggapan ng senador dahil nabura na ito lalo’t VHS tape pa ang gamit noong araw kung saan 2011 lamang nagsimula ang Senado na gumamit ng DVD para sa CCTV recordings.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.