Textmate ni mister, ginunting ni misis

SWAK SA KULUNGAN ang isang misis nang pagsasaksakin nito ang dalagang textmate ng kanyang mister makaraang mahuli ng una sa text message ang mga huli kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak ng gunting sa leeg, ulo at tenga ang biktimang si Marienden Bernardo, 18, ng R. Domingo St., Brgy. Tangos, Navotas.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Navotas Police ang suspek na nakilalang si Cristine Crisostomo, 26, ng R. Domingo St., Brgy. Tangos at nakahandang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya ng Malabon-Navotas Prosecutor’s office.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa Brgy. Tangos ng nasabing lungsod.

Ayon pa sa ulat, nakasalubong ng suspek ang biktima nang bigla na lamang nitong sinugod ang na-biglang si Bernardo at pinagsasaksak ng dalang gunting.

Agad namang humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang biktima na naging resulta sa pagkakadakip kay Crisostomo habang dinala naman sa nasabing pagamutan si Bernardo.

Sa himpilan ng pulisya, mariing sinabi ng suspek na lover ng kanyang mister ang biktima matapos nitong mahuli ang kanilang text messages na itinanggi naman ni Bernardo. (MARY H. SAPICO/ ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.