Testigong ungas at iligal na sugal sa Pasay

 

SA DINAMI-DAMI NG mga tao na maaaring gawing testigo hinggil sa naganap na dayaan noong nakaraang 2007 elections ay ang isang “ungas”… eheste, Unas pa talaga ang napili nina DOJ Secretary Leila de Lima at Comelec Commissioner Sixto Brilliantes!

Kaya naman hindi natin masisisi si Maguindano Gov. Toto Mangundadatu na magmaktol sa pangyayaring ito.

Biruin mo nga naman, parekoy, isa itong si Norie Unas sa mga nagplano o utak sa kahindik-hindik na Maguindanao massacre.

Katunayan, bilang provincial administrator ng matandang Ampatuan, ang ungas… eheste Unas pala na ito ang nag-order para dalhin ang back hoe doon sa grave site!

Kumbaga, sa kagustuhan ng pamahalaang ito na maidiin sa “electoral fraud” si Gloria Arroyo ay sukdulang gamitin nila itong si Unas!

Ano ba ang electoral fraud kung ihahambing sa kahindik-hindik na pagpaslang sa 57 katao kabilang na ang mahigit 30 mamamahayag?

Sinong pulitiko ba ang hindi talaga nandaya kahit sa maliit na bagay? Gaya na lang ng vote-buying o over-spending? Ha?

Ang ibig kong sabihin, parekoy, kung talagang may kasalanan si GMA eh, ‘di ipakulong!

Pero ‘wag sa puntong gagamitin mo pati ang isang ungas na utak sa massacre!

Dahil kapag isinailalim na sa Witness Protection Program ang demonyong ‘yan ay hindi maganda ang kahihinatnan ng ating bansa sa mata ng buong mundo.

Biruin mo, parekoy, utak sa malagim na massacre bibigyan mo ng protection?

P’we talaga!!!

 

SIMULA NG MAWALA sa Pasay City si Col. Napoleon Cuaton, muling nagsulputan ang mga iligalista. Nagpiyesta, ‘ika nga ang mga hinayupak!

Gaya na lamang nina Aging Lisan, Carlo Taba at Boy Corquera! Lahat na yata ng uri ng sugal ay meron sila. Mula sugal lupa hanggang sa lucky nine ng otot. Ehek! I mean, you name it, and they have it!

Maging ang putahan at iligal na droga ay talamak na naman sa nasabing lungsod.

Ang Pasay City na noon ay may bansag na “sin city” ay muling bumalik sa rurok ng tagumpay! P’we!

Ito marahil ang talagang pangarap ni Mayor Antonio Calixto para sa Pasay City. Ang muling makilala sa taguri na “sin city”.

Oh, mayor, ‘wag kang magkakamali na sabihing hindi ito ang talagang pangarap mo! Dahil kung hindi… bakit sa kabila ng napakagandang performance ni Col. Cuaton sa pagsugpo sa mga iligal d’yan ay pilit mo pa ring pinasibak?

O baka naman totoo ang nagkalat na balita na wala nang nakukulekta si Mote Arceo noong rumatsada nang husto si Col. Cuaton?

Totoo ba mayor na si Mote Arceo raw ang iyong collector o bagman? Bagman ba o badman? O both? Hak, hak, hak!

Ayon sa ating tawiwit, mula nang umupo bilang bagong hepe ng Pasay City si Col. Melchor Reyes ay muling gumanda ang collection ni Mote Arceo!

Kaya naman lagi nang nakangisi umano itong sina Mayor, Hepe at Arceo!

 

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: junbriones69@yahoo.com; call or text 09321688734.

 

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.