Teenage pregnancy, lumobo
Mga kabataang pinoy, kulang sa sex education

NAAALARMA ANG National Youth Commission (NYC) sa report na ang Pilipinas ang may pinakamabilis sa pagtaas ng bilang ng teenage pregnancies sa Timog-Silangang Asya.

Sinabi ni NYC Commissioner Persival Cendana na ikinumpara nito ang naturang datos sa isang “gold medal” na hindi puwedeng ipagmalaki ng bansa.

Isa aniya sa itinuturong dahilan nito ang kakulangan ng edukasyon tungkol sa reproductive health at sex education sa ating bansa.

Hindi aniya dapat kalimutan na kaakibat ng pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa ang problema rin sa pagtaas ng teenage maternal deaths.

Lalo pa aniya itong kitang-kita ngayon dahil sa pagkabinbin ng RH Law sa Supreme Court (SC).

Sa tingin ng NYC, mabisang panlaban sa teenage pregnancy ang RH Law.

Inihayag ni Cendana na ang pinagkukunan ng kaalaman ng kabataan ay ang kanilang mga kabarkada o online na hindi laging tama.

Hindi rin naman ito napag-uusapan sa pamilya o sa paaralan.

Kaya patuloy aniya ang pagtulak ng NYC ng RH Law sa Department of Education (DepEd) at Korte Suprema.

Maaari rin namang maikonekta ang mabilis na growth rate ng teenage pregnancy sa pagbilis ng social interaction sa nagdaaang panahon sa tulong na rin ng Internet.

Bukod pa ito sa mga materyal na “accessible” na ngayon sa Internet at dito aniya makikita ang kahalagahan ng tamang kaalaman.

Samantala, bukod sa paaralan, hinihikayat ni Cendana ang mga magulang na huwag mangiming pag-usapan ang mga ganitong isyu ng mga kabataan.

 (PARAZZIREPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.