Ted Failon, in the middle of intrigues

NAKATUTOK ANG ATENSIYON ng ating mga kababayan ngayon sa magaling na news anchor na si Ted Failon. Sa ayaw niya’t sa gusto, may kinalaman man siya o wala sa pagbabaril sa sarili ng kanyang misis na si Trina, malalagay siya sa pinakagitna ng usapin.

Ang unang pumutok na balita ay si Ted Failon mismo ang bumaril sa kanyang misis, nagkaroon daw sila ng away nu’ng nakaraang gabi. Maagang hinusgahan si Ted sa senaryong ito.

Sa panayam ni Ted na lumabas sa TV Patrol World, sinabi niyang sabay nilang nakita ng kanilang kasambahay na si Lot ang kanyang misis na nakahandusay na sa sahig ng CR, naliligo sa dugo, dahil sa pagbaril sa kanyang sarili.

Kahapon nang umaga, tumutok din kami sa programa nila ni Korina Sanchez sa DZMM, natural na si Korina lang ang tumitimon sa programa. Napakinggan namin nang buong-buo ang mga deklarasyon ni Lot tungkol sa unang pagkakataong nakita nila ang misis ni Ted sa banyo.

Sabi ni Lot, na labingdalawang taon na nilang kasama sa bahay, “Nu’ng dumating po si Kuya, umakyat kami sa kuwarto. Tumatawag kasi siya kay Ate, pero hindi siya sinasagot.

“Pagbukas namin ni Kuya, nakita namin si Ate, nakahiga na sa sahig, ang dami-daming dugo,” umiiyak na pahayag ni Lot kay Korina.

Sinabi rin ni Lot na wala silang narinig na putok sa bahay. Hindi rin nito alam na meron palang lisensiyadong baril na nakatago sa kuwarto ng mag-asawa, kaya wala rin itong alam sa pangyayari.

Sa pinakahuling balita mula mismo sa kapulisan, negative sa powder burns si Ted. Napatunayang wala siyang pulbura sa mga kamay. Pero ayon sa mga imbestigador, kailangan pa ring magpatuloy ang imbestigasyon, para sa kapakanan ng mismong pamilya ni Ted.

WALA PANG KASONG isinasampa laban kay Ted Failon. Silang lahat sa bahay ay itinuturing na suspek sa pangyayari. Sa mga panahong ito, nasa ospital lang si Ted, nagbabantay sa kanyang misis na agaw-buhay, kasama ang kanilang mga anak.

May ilang otoridad na nagmamalabis sa ginaganap na imbestigasyon, isang news reporter ng DZMM ang sinabihan ng isang pulis na ang order daw sa kanila ay ang kaladkarin si Ted Failon papunta sa Camp Karingal.

Mali ang terminong ginamit ng pulis. Hayop ba si Ted Failon para kailanganin pang kaladkarin papunta sa kanilang himpilan? Kusang-loob namang isinuko ni Ted ang kanyang sarili nu’ng gawin ang paraffin test.

Ito ang mga kaakibat na kaganapan dahil kilalang pigura si Ted sa mundo ng pagbabalita. Talagang magiging kontrobersiyal ang kaso ng tangkang pagpapakamatay ng kanyang misis. Magkakani-kaniyang opinyon na ang marami, dahil isa nga siyang sikat na news anchor at commentator sa radyo.

Harinawang magkaroon na ng kumpirmadong resulta ang ginaganap na imbestigasyon sa tangkang pagpapakamatay ni Trina. Makabubuting lumabas agad ‘yun para magkaroon na ng katiwasayan ng kalooban ang pamilya ni Ted Failon.

Malampasan sana ng pamilya ang pagsubok na ito, makaligtas sana si Trina sa pakikipaglaban. Para kung meron man silang malalim na problema, muli nilang mabuo ang kanilang pamilya.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

One thought on “Ted Failon, in the middle of intrigues

Leave a Reply

Your email address will not be published.