Technician, Todas sa Ala-Pacman na Suntok

MAAGANG NAKIPAGKITA KAY kamatayan ang isang auto-electronic technician matapos na aksidenting tumama ang ulo nito sa matigas na bagay nang masapul ito ng ala-Pacman na suntok ng kanyang kasamahan sa trabaho makaraan ang pagtatalo sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang nakilalang si Giovanni Sigua, nasa hustong gulang, at residente ng 487 Antipolo St., Gagalangin, Tondo, Manila.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad laban sa suspek na nakilalang si Elmer Carlos, nasa hustong gulang, kapwa electronic technician at kalugar ng biktima upang maaresto at mapanagot sa nagawa nitong kasalanan.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina SP01 Richard Bautista at P02 Felex Viernes, may hawak ng kaso, bandang alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Star Bus garage na matatagpuan sa MacArthur Highway, Karuhatan, Valenzuela.

Ayon sa ulat, kasalukuyang inaayos ng suspek at ng biktima ang sound system sa loob ng pampasaherong bus sa nasabing lugar nang bigla na lamang magtalo ang mga ito.

Kasunod nito, bigla na lamang sinapak ng suspek ang biktima na sa pagkakabigla ay hindi man lamang nagawang makaiwas dahil sa bilis ng pangyayari kayat’ nasapul ito sa mukha.

Sa lakas ng pagkakasapok, bumagsak ang biktima at tumama ang ulo nito sa matigas na bahagi ng bus dahilan upang dali-dali itong isugod ng kanyang mga kasamahan sa naturang pagamutan subalit hindi narin ito umabit nang buhay habang tumakas naman sa hindi matukoy na direksiyon ang suspek.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.