Taxi Driver, Binayaran ng Saksak

SA HALIP na pera, saksak ang ibinayad sa 40-anyos na taxi driver ng tatlong hindi pa kilalang lalaki makaraang magpahatid sa Valenzuela City kamakalawa ng madaling-araw.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center sanhi ng tama ng saksak sa kanang balikat ang biktimang si Leonilo Calda, ng Marcos Road, Tondo, Manila.

Ayon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang sumakay sa pinapasadang taxi ng biktima ang suspek na inilarawang nasa 25- 30 ang edad, nasa 5’6” ang taas, blondie ang buhok at nakasuot ng kulay yellow green T-shirt at maong pants.

Mula sa tapat ng barangay hall ng Paso De Blas ay nagpahatid ang suspek sa Bisalao, Bagbaguin, kapwa ng nasabing lungsod at pagsapit sa Mariano St., bumaba ang lalaki at nagsabi sa biktima na hintayin muna ang kanyang dalawang kaibigan na siyang magbabayad.

Dalawang lalaki ang dumating at sa halip na bayaran ng pera ay naglabas ng patalim ang mga ito at sinaksak ang biktima bago nagtakbuhan, subalit nagsisigaw naman ng tulong si Calda.

Nainis ang isa sa mga suspek at binalikan ang biktima bago tinangkang undayan ng saksak. Suba-lit, kahit na sugatan ay nanlaban ang huli at nagawa nitong maagaw ang patalim ng una dahilan upang mabilis na tumakas.

Nagtungo naman sa PCP-1 ang biktima upang humingi ng tulong at dinala ito sa nasabing pagamutan kung saan patuloy na ang isinasagawang imbestigasyon ngayon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.