Tawid Teritoryo Gang!

MAY BAGONG GRUPO na naman ng mga hulidaper ang sumisibol sa kapulisan. Ito ang kilabot na Tawid Teritoryo Gang a.k.a. TT Gang. Ang grupo ay kadalasang kinabibilangan ng mga miyembro ng anti-drug unit ng isang presinto.

Ilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District Anti-illegal Drugs (DAID) unit ay kasapi ng TT Gang. Noong December 20, 2010, nagsagawa ng raid operation ang isang team ng QCPD DAID sa ilang mga lugar sa Pasay.

Sa ginawang coordination pa lang ng grupo sa Pasay PNP, nakitaan na agad na may maitim na balak ito. Sa coordination form, hindi nila inilagay ang exact location ng mga lugar na pagsasagawaan nila ng raid at hindi rin binanggit ang mga pangalan ng mga kasapi sa raiding team.

At higit sa lahat, pagkatapos maisagawa ang raid, hindi nagsumite ng accomplishment report ang grupo sa Pasay PNP para sabihin dito kung ano ang naging resulta ng kanilang pagre-raid, sino ang mga nahuli, ano ang mga nahuli, etc.

Ang malaking tanong, bakit kailangan pang pumunta ng Pasay ng mga taga-QCPD DAID para manghuli ng mga pusher samantalang mismong sa Quezon City,

naglipana ang mga pusher?

Nabuking ang TT Gang ng QCPD matapos paghina-laan ang mga ito ng mga kinauukulan na posibleng may kinalaman sa tangkang pagdukot sa Indian national na si James Khumar. Suwerte namang nakapiglas si Khumar at humingi ng saklolo kay Senior Inspector Renato Apolinario ng Pasay PNP na nagkataong malapit lang sa lugar na pinangyarihan.

Pilit na isinasama ng mga armadong kalalakihan si Khumar at kinukuha kay Apolinario sabay na pagpapakilala na sila ay mga pulis. Ngunit nagmatigas si Apolinario at doon na nagkaputukan hanggang sa tumakas na rin ang mga salarin.

Halimbawa na lang na hindi nga iyong mga taga-QCPD DAID ang nagtangkang mangidnap kay Khumar, bakit sila dumayo ng Pasay para gawin ang kanilang tungkulin? Makailang beses tinangkang tawagan ng programang ISYU sa 92.3 NewsFM Radyo 5 ang QCPD DAID upang kunan sila ng pahayag ngunit ayaw nilang magkomento tungkol sa nasabing isyu.

NGUNIT HINDI LAMANG sa QCPD mayroong TT Gang. Noong nakaraang taon, ilang operatiba ng Pasay Anti-illegal Drugs ang nagsuyod ng mga bahay-bahay sa isang lugar sa Taguig para manghuli ng mga drug pusher.

At tulad ng inaasahan, sinimot ng nasabing grupo ang mga pera at iba pang mahahalagang bagay ng mga taong nakatira sa pinasok nilang mga bahay-bahay.

Ang nasabing insidente ay naiparating ng ilang mga biktima sa programang WANTED SA RADYO sa 558 kHz RMN. Sa pag-iimbestiga, napag-alaman ng WSR na walang isinagawang coordination ang nasabing grupo sa Taguig PNP.

MAY MGA SUMBONG na ring natanggap ang action center ng WSR tungkol sa mga miyembro ng Manila Police District DAID na nagsagawa ng illegal raid operation sa Pasig. May ilang mga sumbong din kaming natanggap tungkol sa mga taga-Valenzuela Police Anti-drug unit na tumawid ng Caloocan para magsagawa kuno ng kanilang buy-bust operation doon.

Dito, lumilitaw na kaya lumalala ang problema ng droga sa ating bansa dahil moro-moro lang ang ginagawang trabaho ng iba’t ibang anti-drug unit ng PNP. Pera-pera lang ang pakay ng mga bantay-salakay na ito.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.