Tauhan ng Nanalong Kongresista, Patay sa Pamamaril

ISA UMANONG tauhan ng isang nanalong congressman ang pinagbabaril at napatay ng isa sa dalawang hindi nakikilalang riding-in-tandem habang ang biktima ay sakay ng isang multi-cab para sunduin ang kanyang kapatid na barangay kagawad sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan City Chief of Police Senior Supt. Rimas Calixto ang napatay na biktima na si Allan Zapanta, 42, may-asawa at naninirahan sa # 84 A. Bato St., Barangay 13 ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat sa pinagsamang nina PO2 Enrique Pangan at PO2 Michael Olpindo, mga imbestigador ng Station Investigation and Detective management Branch ng nasabing himpilan ng pulisya at may hawak ng kaso, dakong alas-6:50 ng gabi nang maganap ang pananambang sa kahabaan ng A. Bato St., Brgy. 13.

Nabatid na bago umano maganap ang nasabing insidente, sakay ang biktima ng multi-cab na may plakang JPZ-221 para sunduin ang kapatid nito na si Kagawad Armin Zapanta, ng Brgy. 13, Dagat-Dagatan.

Sa puntong ito ay biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek sakay ng isang Yamaha Mio motorcycle na walang plate number at huminto nang sandali at pagkatapos isa sa dalawang suspek ay mabilis na bumaba sa sinasakyang motorsiklo at kaagad na binunot ang hindi nabatid na kalibre ng baril at pinutukan ng ilang beses ang biktimang si Zapanta. Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas sakay ng motorsiklo sa hindi malamang direksiyon dala-dala ang ginamit na baril sa krimen.

Napag-alaman sa ka-patid na barangay kagawad ng biktima, ang biktima ay naging driver ng multi-cab na ginamit noong nakalipas na halalan kung saan ay nanalo si Egay Erice bilang bagong halal ng kongresista ng ikalawang distrito ng Caloocan.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ang Caloocan PNP ng masusing imbestigasyon para mabatid ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa likod ng pananambang.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.