Task Force Illegal logging ipinoste sa Butuan

UPANG MATULDUKAN ang illegal logging sa Butuan, inilipat ang task force na siyang tututok at mag-iimbestiga sa nasabing iligal na aktibidad.

Gayunman, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Nicanor Bartolome na mas pinaigting pa ang puwersa ng TF Illegal Logging (TFIL) sa bansa kung saan ang mga pulis na inireklamo sa nasabing aktibidad ay masusing iimbestigahan.

“Lahat sila (mga pulis) are now undergoing investigation and let this be a warning to our field commanders especially the chiefs of police,” ayon kay Bartolome.

Ayon sa opisyal, bilang katunayan sa puspusang pagsugpo sa nasabing illegal na gawain kaugnay na rin sa mahigpit na kautusan ni Pa-ngulong Noynoy Aquino, inilipat pa ng PNP sa Butuan City ang TFIL para mas matutukan ang nasabing lungsod at lalawigan na siyang natukoy na maraming gumagawa ng illegal logging.

Ang paglilipat aniya ng tanggapan ng TFIL sa Butuan City mula sa Metro Manila ay malaking bagay upang mapabilis at pulido ang pagsugpo sa illegal logging dahil nasa area mismo ang mga tauhan ng PNP na araw-araw na magsasagawa ng monitoring kasunod ng operasyon upang mahuli at agad na makasuhan ang mahuling lumabag dito.

Nilinaw naman ni Bartolome na bagamat inilipat sa Butuan ang tanggapan ng TFIL, hinding-hindi mapapabayaan ang iba pang mga lungsod at lalawigan dahil may kanya-kanyang nakapuwestong kawani sa mga ito na silang nakatutuok sa mga mananamantala sa kalikasan.

Inihayag din nito na walang pipiliin ang kanilang ahensiya na sasampahan ng kaukulang kaso sakaling mahuling lumabag ito o gumagawa ng illegal logging.

Mas matindi rin aniya ang kakaharaping kaparusan ng mga kawani ng PNP o opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang lumabag dito dahil tiyak aniyang patung-patong na kaso ang kakaharapin.

(EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.