Target: Jueteng Ina Ninyong Lahat!

MADALING MALAMAN KUNG bakit dumaragsa sa isang lugar ang mga “buwitre”.

Kapag may naaamoy silang bangkay na puwedeng lapain, makikita natin, parekoy, ang matatalas nilang “tuka” at maririnig mo ang malalakas na pagaspas ng kanilang mga pakpak.

Nagpipiyesta ang mga animal na ito… nag-uunahan, dahil halos alam na nila na ang nasa hulihan ay wala nang malalamon!!!

Sa ating bansa naman ngayon, ilang araw lamang makaraan ang madugong “hostage-drama” ay may bago na namang isyu na pinagkakalumpunan ang ating mga kagalang-galang na Senador.

Dapat lang, parekoy, dahil sila ay mga halal na opisyal ng bayan!

Sila ay mga mambabatas sa pinakamataas na “bahay-gawaan” ng ating mga batas.

Ang ating mga Senador, parekoy, ay mga mambabatas ng ating bansa na may pinakamataas na dignidad sa larangan ng lehislatura.

Sila ay may mataas na moralidad lalo na kung ang ating bansa ay nalalagay sa hindi kanais-nais na kalagayan… o kahihiyan!

Pangunahin nilang obligasyon, parekoy, na matiyak ang establisadong soberenya ng bansang Pilipinas at ang general welfare ng mga mamamayan.

‘Yan ang Senado ng bansang Pilipinas… na kinaroroonan ng ating mga “patriot.”

Kaya nga, abalang-abala sila ngayon sa pag-iimbestiga upang makagawa ng magagandang mga batas para sa ating bansa.

Pinagkakalumpunan po nila ngayon ang mga “tao at dokumento” na may kaugnayan sa isyu ng pambansang seguridad, pambansang kahihiyan at para sa maayos na kalagayan ng mas nakararaming mamamayan!

Ang isyu ng Jueteng, parekoy!

Saka na muna ‘yang isyu ng Spratlys dahil hindi naman masyadong mahalaga… teritoryo lang naman ‘yan ng ‘Pinas.

Huwag na munang mag-imbestiga ukol sa hostage-drama…. kahihiyan lang naman ‘yan ng ating mahal na bansa.

Isusunod na lang ang pag-aaral para gumawa ng batas na magbibigay-kasiguruhan sa trabaho ng mga Pilipino… hanapbuhay lang naman ‘yan ng mga Pinoy.

Inuuna nilang iniimbestigahan ang isyu tungkol sa mga anak ng Jueteng!!!

Ganyan kahalaga sa kanila ang isyung nabanggit, parekoy.

Pati nga si Senadora Miriam Defensor-Santiago, kahit naka-leave dahil sa isang karamdaman ay napilitang sumulpot at nagbigay ng privilege speech.

Ganyan kahalaga, parekoy, ang isyung kinakaharap ngayon ng Senado…

Ang isyu riyan sa lintek na mga “anak ng Jueteng”!!!

Ang tungkol sa milyones na perang kinikita ng mga Jueteng lord.

Ang milyones na tinatanggap ng mga opisyal ng gobyerno na nagsisilbi tuloy bilang Jueteng coddlers.

Ang milyones na perang hindi raw naibibigay na buwis ng STL dahil nga riyan sa operasyon ng Jueteng.

Ganyan karaming pera ang kanilang pinagkakaabalahan ngayon!

Whew!!! Ang bertud nga naman ng pera kapag pinag-uusapan… lahat nakatunganga!!!

Naisantabi ang mahahalagang isyu, lahat nakatutok d’yan sa Jueteng.

Juetang ina nating lahat!!!

jabriones10@yahoo.com

09064369653

Target
ni June Briones

Pinoy Parazzi

About the Author

has written 5562 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.