Target: Director Calderon vs. Corruption

NANINIWALA tayo, parekoy, sa simula pa lang noong una nating isulat ang mga kalokohan diyan sa Medium Security Camp ng Bilibid ay walang alam si Director Oscar Calderon!

Ang nasabing isyu ay tungkol sa “bitbit” na pagkain ng mga dalaw para sa kanilang mga mahal sa buhay na nakapiit sa nasabing bilangguan.

Ayon sa mga reklamong ipinarating sa atin, sina Edith Miranda at Bernie Matignas ay laging nakaposte sa gate at naniningil sa mga dalaw na may dalang pasalubong ng 10% umano ng halaga ng “bitbit” para raw sa IPX.

Ang masakit, ayon sa mga nagrereklamo, walang resibo na ibinibigay ang dalawa sa halagang ibinabayad sa kanila!

Bago pa natin nai-publish ang reklamo tungkol naman sa paniningil umano sa mga may panindang dinadala sa loob, na hindi rin iniisyuhan ng resibo, gumawa na ng hakbang ang dalawa!

Ayon sa sources, inipit muna ng dalawa noong nakaraang linggo ang mga magtitinda at saka dinala sa “ibaba” (Maximum Comp.) at isinagawa ang “mass signing” ng affidavit na nagpapahayag na hindi sila sinisingil nina Miranda at Matignas.

Payo lang kina Miranda at Matignas, huwag ninyong gagamitin ang mga papel na ‘yan para kumbinsihin si Dir. Calderon na malinis kayo at walang ginagawang illegal collection, dahil may sariling paraan si Director upang alamin ang katotohanan…

At ayon sa isang tao na malapit kay Director, tiyak na paiimbestigahan ito ni Dir. Calderon upang patunayang hindi niya ito alam, at upang maibigay sa mga bilanggo ang nauukol na proteksiyon!

Director Calderon, Sir, madali lang po para mahuli ang mga mokong na ‘yan, magpaposte lang po kayo ng tao sa gate ng Medium o kaya kayo na mismo ang sumaglit, tiyak na maaabutan n’yo ‘yang sinasabi ng ating sources!

Magtanong din po kayo sa mga empleyadong nasa gate at kung magsasabi lang sila ng totoo… mas marami pa po kayong malalaman!

Alam natin ang kalakaran d’yan sa loob na hangga’t hindi si Director mismo ang magbibigay ng assurance na hindi mako-kolonya ang isang bilanggo o maba-“ban” ang isang dalaw na magta “tawiwit” ng katotohanan…

Tikom po ang mga bibig nila sa takot… at alam din po natin na maraming nagni-“name drop” para palabasin na may “basbas” ni Director ang isang bagay…

Kaya nga, Sir, hinihintay po namin na sampulan mo sila!

Jabriones10@yahoo.com
09997286972 / 09064369653

Target
ni June Briones

Pinoy Parazzi

About the Author

has written 5562 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.