Taong-grasa, patay sa tren ng MRT

ISANG LALAKING taong-grasa ang nahagip ng tren ng Metro Rail Transit (MRT) sa southbound lane paglagpas ng Magallanes station kahapon ng madaling-araw.

Dahil sa naturang insidente, isinara sa publiko ang MRT-Magallanes at naapektuhan ang biyahe ng mga tren. Tanging ang biyahe mula North Avenue station hanggang Shaw Boulevard lamang muna at pabalik ang gumana.

Ayon kay MRT General Manager Atty. Al Vitangcol III, alas-5:00 ng madaling-araw nang mamataan ang isang taong grasa sa riles.

Sinabi naman ni Mike Narca, head ng MRT Maintenance and Engineering na may nakuhang Land Transportation Office (LTO) license sa bulsa ng biktima na may pangalang Henry Rodriguez, 30-anyos at naka-address sa Greenvalley, Bacoor, Cavite.

Kukumpirmahin pa ng mga kinauukulan kung ito nga ang katauhan ng biktima dahil hindi ito mamukhaan sa dami ng dugo.

Inaalam pa rin kung papaano nakapasok sa riles ang taong grasa.

Samantala, magsasagawa na rin ng internal investigation ang pamunuan ng MRT sa nasabing insidente.

Ayon kay Narca, balik na sa normal ang biyahe ng MRT ganap na alas-9:20 ng umaga matapos maialis ang bangkay ng biktima.

Dinala na rin ang labi ng biktima sa Veronica Funeral Homes sa Arnaiz Ave, Pasay City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.