Tangke ng Kemikal, Tinamaan ng Kidlat

BIGLANG SUMAMBULAT ang isang tangkeng kargado ng kemikal ng isang chemical trading corporation sa Brgy. Loma de Gato, Marilao,Bulacan matapos umanong tamaan ng kidlat habang nasa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Laking gulat ng pamilya Aviertas nang umali-ngawngaw ang malakas na pagsabog sa harap ng kanilang bahay at nakita ang napakalaking tipak ng bakal na pumunit sa kanilang gate at sumira sa kanilang pader.

Base sa inisyal na ulat na pulisya natagpuan sa tahanan ng pamilya Aviertas ang puwitan ng isang tangke ng hydrogen peroxide, isang cleaning agent, na sumabog mula sa water treatment facility na W. T. Treat Chemical Trading Corporation.

Nabatid sa tinanggap na report ng Provincial Desaster Risk Reduction and Management Council at Bulacan Rescue Team na bukod sa nawasak na parte ng isang bahay, nayupi rin umano ang mga yero at nabasag ang mga bintana ng bodegang katabi ng planta.

Bukod dito’y naramdaman din umano ng mga residenteng malapit sa lugar ang ang mainit na shockwave na ilang kilometro na ang layo mula sa pagsabog masuwerteng walang namatay at nasugatan sa naganap na pagsabog.

Ayon naman sa isang kagawad na tumangging magpakilala, dati nang inireklamo ng mga residente ang planta dahil sa peligro umanong dala ng mga kemikal nito.

Samantala nangako naman ang may-ari ng water treatment facility na sasagutin nila ang gastos sa lahat ng nasirang ari-arian. Gayunman  desedido naman ang mga residente na buhayin ang petisyon para maipasara o mapaalis ang planta sa komunidad.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.