Tanda Ba News?: Sunshine Cruz: Ipinagpalit ang lahat para kay Buboy!

Nagsimula sa mga pa-cute na role ang hot momma na si Sunshine Cruz. Naging member siya ng teen-oriented variety show na That’s Entertainment ni Kuya Germs noong 80s. Masasabing pamilya na sa showbiz ang kinabibilangan ni Sunshine. Pinsan niya sina Sheryl Cruz, Donna Cruz at Geneva Cruz. At tulad ng ng mga ito na pawang mga singer, may boses din sa pagkanta si Sunshine.
Sa First Time… Like A Virgin noong 1992 unang nasilayan ng publiko sa telon si Sunshine. Nakasama niya rito sina Jackie Forster, Karla Estrada, at Shirley Fuentes. At isa rin siya sa original cast ng gag show na Bubble Gang nang magsimula ito noong 1995.
Mula sa mga cutesy roles, nag-shift sa sexy at mature roles si Sunshine. Lumutang na ang kaseksihan ng aktres. At ang katangiang ‘yon ay tila isang matinding magnet, kaya naman ‘pila’ ang mga nanligaw kay Sunshine. Pero ang masuwerteng nakapagpaibig sa kanya ay ang aktor na si Cesar Montano na nauwi sa isang engrandeng kasalan. Alam n’yo ba kung saan nag-propose ang aktor? Sa isang kampanaryo habang hinaharana sila ng choir. Biniyayaan ang mag-asawa ng dalawang anak.
Pero katulad ng ibang showbiz couple, naintriga rin ang pagsasama nina Cesar at Sunshine. Natatandaan n’yo ba ‘yung sexy scene ng aktres sa aktor na si Jay Manalo na footage sa isa nilang pelikula na hindi naman naipalabas?
Ang kuwento, malaking halaga ang ibinayad ni Cesar upang ‘mabura’ ang naturang napakainit na eksena. Hindi raw talaga nagustuhan ‘yon ng aktor. Naging hot issue rin sa showbiz ang diumano’y extra-marital affairs ni Cesar, partikular sa isang Brazilian model at sa isang sexy actress. Hindi maganda ang naglabasang mga balita sa pagsasama ng dalawa noong kasagsagan ng mga intrigang ito. Naghiwalay sina Sunshine at Cesar, pero sa kasalukuyan ay muli silang nagsasama.
Madalang lumabas sa telebisyon si Sunshine these days. Masasabing mas pinili na ng aktres ang tahimik na pamumuhay bilang maybahay ni Cesar.

By Eric Borromeo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.