Talamak na smuggling sa Port of Manila

BAKIT BA TAKOT ang sinumang presidente at palaging pinagbibigyan itong isang senador na makuha ang mga juicy position ng kanyang mga bata-bata sa Bureau of Customs? Kahit pa noong administrasyong Ramos, Estrada, Arroyo at maging ngayon, walang mintis na nasusungkit ng mga bata-bata ng senador na ito ang mga money-making positions sa BoC.

Ang masaklap, ang mga tauhan ng senador na ito na ipinupuwesto niya sa BoC ay saksakan ng kurakot. Maiintindihan ko ang mga nakaraang administrasyon na pagbigyan ang naturang senador sapagkat nasasangkot sa samu’t saring katiwalian din kasi ang mga nabanggit na nakaraang administrasyon noong kanilang panahon.

At kapag hindi nila pinagbigyan ang nasabing senador, mag-iingay ito sa entablado ng senado at ibubunyag ang kanilang mga baho.

Madaling maunawaan ng lahat ang pagtiklop ng mga nakaraang presidente sa senador na ito at pagbigyan ang kanyang mga tauhan na mamayagpag sa BoC, pero para sa kaso ni Pangulong Noynoy Aquino na ang campaign slogan ay “Pagtahak sa matuwid na daan,” nakapagtataka kung bakit takot siya sa senador na ito at ayaw niyang pagsisibakin ang mga bata-bata nito?

Hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon na may dapat katakutan sapagkat nasasangkot nga sa kaliwa’t kanang katiwalian, sa kaso ni P-Noy, wala siyang kalokohan na maaaring masilip ng nasabing senador at magamit laban sa kanya.

Maliban na lamang siguro kung may mga boss sa BoC na sinasangga ang mga tauhan ng naturang senador dahil sila rin ay nagpapakasasa ngayon sa pangungurakot.

BINABATI NG INYONG SHOOTING RANGE ang lahat ng bumubuo ng premier investigative body ng bansa – ang NBI – ng belated happy anniversary, lalo na sa butihing direktor nito na si Gen. Magtanggol Gatdula.

ISANG MAPAGKAKATIWALAANG SOURCE sa NBI ang nakipag-ugnayan sa inyong SHOOTING RANGE at sinabing talamak daw ang smuggling ng mga sibuyas, asukal, bigas, resins, atbp. sa Port of Manila (PoM) ngayon. Isang opisyal daw ng BoC sa nasabing pier ang padrino ng mga smuggler.

Tinanong ko ang nasabing NBI source kung bakit hindi hinuhuli ang mga smuggler na pinapadrino ng nasabing opisyal? Tinanong ko rin siya kung alam ba ng Malacañang ang pinaggagawa ng taong ito at bakit hindi siya sinisibak? Sinabi ng source na matibay ang nasabing opisyal kahit pa sa noong mga nakaraang administrasyon. Katunayan, pagpasok ng administrasyong Aquino, na-promote pa nga raw ang taong ito.

Sinabi rin ng source na isang makapangyarihang pulitiko raw kasi ang padrino ng nasabing opisyal. Tinanong ko sa source kung sino ang tinutukoy niyang opisyal at kung alam ba ng pinakamataas na opisyal ng PoM, na si Collector Rogel Gatchalian, ang nangyayaring talamak na smuggling sa nasabing pier? Ngiting-aso ang isinagot ng source sabay pailing-iling at kamot ng ulo.

Dapat paimbestigahan ni Pangulong Noynoy ang opisyal na tinutukoy ng NBI at sabay paimbestigahan na rin ang mga nangyayaring talamak na smuggling sa PoM.

KUNG KAYO AY may nalalaman na mga katiwalian, maaari ninyong i-text sa isa sa mga hotline ng ITIMBRE MO KAY TULFO – isang segment sa TV5 noontime newscast na mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 11:30 – 12:00 pm, 0949-461-6064.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.