Talamak na Rice Smuggling, Iimbestigahan

FULL FORCE na ang mga senador na im-bestigahan na ang talamak na rice smuggling sa bansa matapos matuklasan ang tone-toneladang bigas na idinaong sa Subic kamakailan.

Personal na nagpahayag si Senate President Juan Ponce-Enrile sa plenaryo ng Senado, kung saan hindi nito naitago ang galit laban sa mga nasa likod ng talamak na smuggling ng bigas sa bansa.

Base sa report na nakarating sa pangulo ng kapulungan, nasa P500 milyon umano ang halaga ng bigas na natuklasan sa Subic Freeport na galing India maliban pa sa nasabat ng Bureau of Customs kamakailan na aabot sa tinatayang nasa P42 milyon na halaga ng bigas galing sa bansang Vietnam.

Kung hindi masawata ng ibang ahensiya ng gobyerno ang rice smuggling, ang Senado ang magpapahuli at magpapakulong sa mga sindikatong nasa likod ng nasabing gawain, giit ng Senador.

Nais ni Enrile na ungkatin kung sino ang financers at bangkong ginamit sa pagbayad na umano’y halos kalahating bilyong piso para umangkat ng bigas sa bansa.

Hindi naman naiwasan ng Senador na magalit na aniya’y sa kabila ng kabi-kabilang smuggling ay patuloy pa rin sa pagtaas ang presyo ng bigas.

Samantala, apat na komite ang hahawak sa nasabing pagsisiyasat at ito ay kinabibilangan ng Senate Blue Ribbon Committee, Agriculture, Ways and Means at Committee on Trade and Comerce. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.