Taiwanese Media, May Hate Campaign laban sa mga Pinoy

PATULOY ANG pagtaas ng tensyon sa Taiwan dahil sa isyu ng pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese na nabaril ng tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Balintang Channel.

Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Amadeo Perez na lumilitaw na may hate campaign na ang Taiwanese media laban sa mga Pinoy.

Ang nangyayari aniya ay posibleng dulot ng matin-

ding pagpula sa administrasyon ni Taiwan President Ma Ying-jeou sa pagiging “lenient” nito sa Pilipinas ukol sa nasabing isyu.

Posible aniyang napi-pressure ang lider sa mga batikos na humahantong sa mga hakbang tulad ng freeze hiring, mga palugit at demand.

Pinupukol din bilang “insincere” ng media roon ang pagngiti umano ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte nang maglabas ito ng pahayag. Ginagatungan aniya ng media ang tensyon.

Pinabulaanan ni Perez ang report dahil naiabot niya umano noong Mayo 15 ang apology letter ng Aquino administration. Hindi nga lamang aniya sa mismong Ministry Officer dahil may pinuntahan ito ngunit sa itinalaga naman nitong embahador kung kanino niya naipaabot ang mensahe ni Pangulo.

Muling nagpadala ng liham si Perez kahapon ayon na rin sa hiling ng Taiwanese authorities. Pero wala pang tugon dito ang Taiwan. Kasama sa liham ang kahandaang mag-abot ng donasyon at tumulong sa pamilya ng namatay na mangingisda.

Sinabi ni Perez na nais ng Taiwan na magkaroon ng joint investigation sa insidente. Dapat din aniyang humingi ng tawad mismong si Pangulong Aquino na may kasama pang liham. Ang problema, may batas na nagbabawal sa Pangulo na gawin ito.

Sa gitna ng mga nangyayari, naniniwala si Perez na maaayos din ang tensyon. Tuloy-tuloy naman aniya ang koordinasyon nila sa Taiwanese authorities kaya mainam na palamigin lamang ang isyu.

Isa pa sa nakikitang solusyon ni Perez ang pakikipagtulungan sa mga “influential Taiwanese businessmen” na may koneksyon sa pamahalaan ng Taiwan.

Higit 80,000 ang mga Pinoy sa Taiwan. Karamihan sa mga ito ay obrero; tanging 10% lamang ang domestic helpers.

Tiniyak naman ni Perez na tuloy-tuloy ang monitoring ng mga ahensya ng pamahalaan na nakakalat sa Taiwan.

Samantala, kasama aniya sa mga inilapit niyang isyu sa pakikipag-usap sa ambassador sa Ministry Office ng Taiwan ay ang apelang na huwag nang idamay ang mga manggagawang Pilipino dahil wala namang tugon ang Pilipinas na nakaaapekto sa mga Taiwanese businessman sa bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.