Syndicated estafa case vs Globe Asiatique, tinutulugan lang ng Doj

AGAM-AGAM NG IBANG stakeholders ng industriya ng pabahay na tila tinutulugan lang ng mga prosecutor sa Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban sa property development company na Globe Asiatique (GA) ng mga naloko nitong mga buyer – sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) – at ng Pag-ibig Fund, matapos na hindi makapaglabas-labas ng resolusyon ang DOJ.

Noon pang Marso 15 inaasahang maglalabas ng rekomendasyon ang DOJ panel na nakatutok sa kaso, subalit hanggang sa kasalukuyan, may limang buwan na ang nakalilipas, hindi pa rin nakakasuhan ang may-ari ng GA na si Delfin Lee at mga opisyales ng kumpanya, gayundin ang dating Pag-ibig chief na si Ramon Palma Gil at ilan pang empleyado ng Pag-ibig. Oktubre 2010 pa nang unang nagsampa ng kaso ng ‘syndicated estafa constitu-ting economic sabotage’ ang NBI at Pag-ibig Fund laban sa mga nabanggit.

Ayon sa reklamo, gumamit ang GA at mga opisyales nito ng mga ‘ghost buyers’ at ‘fake documents’ upang malinlang ang Pag-ibig Fund sa pagpapalabas ng P6.653 bilyong pautang sa kumpanya.

Ang Pag-ibig Fund ay isang matatag na institusyon, kung saan madali lang makautang ang mga miyembro nito. Ang madaling proseso ng housing loan sa institusyon ang sinamantala ng GA para makakuha ng bilyun-bilyong utang.

Gayundin, nagawa ring makapanloko ng GA sa mga buyers nito sa pamamagitan ng tinatawag na ‘double-selling’. Sa reklamo ng mga buyer ng Xevera Homes sa Mabalacat, Pampanga, ang nabili ni-lang bahay ay dalawang beses na ibinenta nina Lee at ng kanyang mga kapwa-akusado.

Mismong ang mga buyer na ito – na nagsumikap na makaipon ng pera mula sa kanilang pagtatrabaho at ma-kabili ng bahay – ang nagpunta sa NBI at humingi ng tulong matapos na malaman nila na ang bahay at lupang nabili nila mula sa GA ay nabili na rin pala ng ibang Pag-ibig borrower. Ilan sa mga borrower na ito ay hindi makita.

Nangangamba ngayon ang mga maliliit na buyer na ito na mauwi lang sa wala ang kani-lang ipinaglalaban, dahil na rin sa bagal ng aksiyon ng DOJ sa kanilang reklamo.

Natatakot sila na matulad lang ang kaso ng Globe Asiatique sa ibang mga kasong idinulog sa ahensiya, kung saan ang mga malalaking kaso, na karaniwang walang piyansa, ay nagagawa ng mga prosecutor na gawing mahina o i-downgrade sa ‘lesser offense’ para ang mga akusado ay makapagpiyansa.

Dahil dito, hindi maialis sa mga buyer na ang pagkabalam ng kanilang isinampang kaso sa DOJ laban sa GA ay isa na namang uri ng kawalang-hustisya. Gayong ipinagmamalaki ng gobyerno ni P-Noy ang ‘matuwid na daan’, tila liku-liko at masukal ang daang tinatahak ng DOJ sa kasong ito. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.