SUV, Inararo ang Sidewalk Plaza; 3 Patay, 6 Sugatan

TATLO ANG nasawi habang anim ang nasugatan matapos araruhin ng sports utility vehicle (SUV) ang sidewalk plaza sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Base sa pagsisiyasat, pasado alas-2:00 ng madaling araw nang nakikipag-karera umano ang Mitsubishi Montero na minamaneho ng isang Eleazar Lipana sa isa pang sasakyan sa northbound lane ng nasabing avenue, tapat ng barangay hall ng Brgy. Commonwealth.

Subalit isang magtataho umano ang biglang tumawid na iniwasan ni Lipana dahilan para sumalpok ito sa gate ng isang plaza roon.

Mabilis umano ang takbo ng SUV nang mangyari ang aksidente.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nagtalsikan ang bahagi ng poste sa plaza at wasak na wasak ang harapang bahagi ng SUV na tumagilid pa.

Patay ang call center agent na si July Montefalcon na bibili lang ng balut sa nasabing lugar at ang magbabalut na si Liza Romero, 60-anyos.

Kinilala ang ikatlong binawian ng buhay na si Jeffrey Flores, isang kusinero na bumibili lamang ng balut at pauwi na sana nang mahagip ng SUV.

Nasa St. Lukes Medical Center ngayon si Lipana na kritikal pa rin ang kundisyon.

Habang nasa East Avenue Medical Center ang iba pang nasugatan na kinilalang sina Francis Eric Taguba at Fernando Teodoro na sakay ng SUV.

Nasugatan din ang drayber ng nadamay na traysikel na si Jose Ronilio Dario.

Nadagdag din sa mga nasugatan ang magkasintahang sina Kimberly Mangaring at Felipe Robi.

Samantala, iniha-handa na rin ng QC traffic Sector 5 ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Multiple Injuries and Damage to Properties laban kay Lipana.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.