Suspek Sa Pagpatay Sa Katutubo Sa Bora, Tukoy Na

MAYROON NANG sinusundang magandang lead ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa salarin sa pamamaril at pagpatay sa tagapagsalita ng Boracay Ati Tribal Association (BATO) na nakikipaglaban sa pagkakaroon ng lupang matitirhan ng mga katutubo sa isla.

Sinabi ni S/Insp. Joeffer Cabural, hepe ng BTAC na nakakuha sila ng mga mahalagang impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek base sa kanilang isinagawang follow-up operation sa pangunguna ni Aklan Police Provincial Director S/Supt. Pedrito Escarilla.

Ngunit tumanggi muna itong idetalye ang buong pangyayari upang hindi madiskarel ang kanilang isinasagawang operasyon.

Napag-alaman din na ang biktimang si Dexter Condez ay nagmula sa isang pagpupulong bilang kinatawan ng Ati community tungkol sa pinag-aagawang lupa.

Teorya ng mga awtoridad na land dispute ang motibo sa pagpaslang kay Condez.

Base sa pahayag ng da-lawang katutubong babae na nakasaksi sa krimen na ang salarin ay mababang lalaki na nakasuot ng pantalon na maong, naka-jacket at baseball cap dahilan na hindi nila ito namukhaan.

Maaalala na nangyari ang pagpatay kay Condez habang naglalakad pauwi sa kanilang village sa Sitio Lugutan, Brgy. Manoc-manoc kasama ang dalawang babaeng katutubo.

Samantala, Enero 21, 2011 nang ginawaran ng National Commission on Indigenous People ng Certificate of Ancestral Domain Title ang BATO para sa lupang matitirhan ng 40 pamilyang katutubo o 200 miyembro ng tribu, ngunit kinuwestiyon ang legalidad ng titulo kaya nagkaroon ng land dispute ang mga katutubo sa iba pang residente at mga mayamang claimants ng propiyedad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.