Survey Firms, Ayaw Ilahad ang mga Sponsor

NAGMATIGAS ANG Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na ilahad sa Commission on Elections (Comelec) kung may mga pulitikong sponsor ang kanilang mga isinasagawang survey.

Base sa isinagawang clarificatory questioning ng Comelec en banc, nagisa ng tanong sina Atty. Albert Bacungan ng SWS at Ronald Holmes ng Pulse Asia.

Nais kasing malaman ng poll body kung may mga kandidatong financier ang survey firms upang maisama ito sa report ng gastusin ng mga pulitiko.

Pero para sa dalawang grupo, batay sa ruling ng Supreme Court (SC), hindi sila obligadong maghayag ng kanilang sponsors, subscribers at iba pang nasa likod ng survey kaya hindi sila mapipilit ng Comelec na magbigay ng naturang detalye.

Una rito, humarap ang mga kinatawan at opisyal ng SWS at Pulse Asia kaugnay ng naglalabasang political survey, partikular na sa senatorial race ngayong nalalapit na ang midterm elections.

Nais kasing malaman ng Comelec kung totoong mga pulitiko ang nasa likod ng pagpopondo sa naturang mga grupo.

Nabatid na non-stock at non-profit dapat ang mga survey firm, alinsunod sa umiiral na patakaran.

Kung lilitaw na mga kandidato o maging political party ang financier ng mga nagsasagawa ng survey ay isasama ito ng Comelec sa record nila ng campaign finance.

Samantala may kaukulang aksyon ang poll body sa mga lalagpas sa pinapayagang gastos ng isang pulitiko.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.