Suporta sa FOI Bill, Binawi ni Rep. Casiño

NAGPALIWANAG SI Ba-yan Muna Representative Teddy Casiño kaugnay ng pagbawi ng suporta sa inihaing Freedom of Information (FOI) Bill sa Kamara.

Ayon kay Casiño, kailangan pa nilang pagdebatehan at isusulong niyang maamyendahan ang aniya’y mga ipinasok na probisyon ng Palasyo na mas maghihigpit pa sa paglalabas ng impormasyon ng pamahalaan.

Sinabi ng mambabatas na kabilang sa mga isi-ningit ng administrasyon ang pag-i-institutionalize ng executive privilege.

Bukod aniya rito, tutol din sila sa probisyong law enforcement na masyadong “general”.

Inihayag pa ni Casiño na may iba pang probisyon sa FOI na “masyadong vague, open to abuse so kailangan dumaan sa proseso ng pag-aamyenda.”

Iginiit pa ng kongresista na problema pa sa pagpasa ng FOI Bill ang quorum sa Kamara na tila hawak aniya ng administrasyong Aquino.

Kamakailan, una nang tinalukuran ni Casiño ang FOI Bill kasama ang iba pang miyembro ng Makabayan bloc na sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, Kabataan Rep. Raymond Palatino, Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. Antonio Tinio at Gabriela Representatives Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus.

Dahil si Casiño lang ang kabilang sa co-authors ng FOI, siya lang ang nalagas sa 80 nagsusulong nito sa Kamara.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.