Suporta ni Revilla, kay Villar pa rin

ITINANGGI NI SENADOR Edgardo Angara ang ulat na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ang susuportahan ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. para sa senate presidency sa pagbubukas ng 15th Congress sa Hulyo 26.

Ayon kay Angara, walang katotohanan ang naging pahayag ni Senador Jinggoy Estrada na kumalas na sa kanilang grupo si Revilla at nakapag-commit na ito kay Pangilinan.

“Hindi totoo iyon, ‘yong balita na sinabi ni Jinggoy na kumalas na sa amin si Bong, parang hindi accurate iyon. Hindi totoo iyon,” ani Angara.

Aniya, buo pa rin ang kanilang grupo na posibleng ilalahad na nila sa publiko sa darating na Miyerkules kung sino ang kanilang susuportahan sa pagka-pangulo ng Senado, dahil sa hinihintay pa nila ang pagbabalik ni Senador Loren Legarda mula sa ibang bansa.

“Siguro by Wednesday mayroon na kaming consensus kung sino ang susuportahan namin,” wika pa Angara.

Iginiit ni Angara na kung ano ang napagkasunduan ng kanilang grupo na susuportahan, iyon lamang ang kanilang susuportahan, base sa kanilang mga layunin sa mga legislative agenda na nais na ipasa para sa ikabubuti ng nakararaming mamamayang Pilipino.

Dagdag pa ni Angara na dapat ay ipakita ng Senado sa taumbayan na sa mga pulitiko ay may mga relevant pa rin.

Unang napaulat na umabot hangang sa labas ng bansa ang ligawan sa Senate President, tulad ng naging pagbubulgar ni Senador Juan Miguel Zubiri nang siya ay nasa Singapore at tinawagan siya ni Estrada para sa kanilang iboboto at susuportahan bilang Senate President.

Binigyang-diin ni Angara na susuportahan nila ang kandidato na talagang titiyakin ang pagiging independent ng Senado.

Malinaw na inihayag ni Angara na walang katotohanan na kumalas na sa kanilang grupo si Revilla na ang dalang kandidato ay si Senador Manuel Villar.

Ito ay matapos na mapaulat na si Senate President Juan Ponce Enrile ang siyang dark horse.

Aniya, napapansin nila sa kanilang grupo na may ibang puwersa na rin na kumikilos para sirain ang kanilang grupo.

Pero batay sa ulat, hindi naman interesado si Villar sa naturang posisyon dahilan sa hindi naman kumikilos ang kampo nito, partikular si Villar, na patuloy na nasa labas ng bansa.

Hindi rin nakatitiyak si Senador Antonio Trillanes IV na makakakuha ng pagpabor ng Korte dahil sa ito ay hindi simpleng issue. Inaasahan ng kampo ni Pangilinan na makakabilang ang boto Trillanes pabor una bilang Senate President. (Cynthia Virtudazo)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.