Super inutil

MARAHIL ANG BARANGAY Pulo, Valenzuela Fire Station na ang pinakainutil na istasyon ng bumbero sa buong mundo. Puwede na itong maitala sa Guiness Book of Records.

Sa loob ng tatlong taon, walang gumagana ni isang fire truck sa istasyong ito dahil flat ang mga gulong ng mga truck dito. At sa tuwing may sunog sa Barangay Pulo, ang mga rumeresponde na mga bumbero ay nanggagaling pa sa mga karatig-barangay.

Ito ay inamin mismo ng hepe ng nasabing fire station na si SFO1 Roberto Mendoza sa WANTED SA RADYO (WSR). Pero sinabi naman ni Mendoza na ‘di siya nagkulang sa kasusumbong sa mga nakatataas sa kanya tungkol sa mga ‘di gumaganang fire truck nila ngunit hindi raw siya pinakikinggan.

Kaya ibig sabihin, sa loob ng tatlong taon, nagsusunog ng pera ang gobyerno sa pagpapasahod ng mga nakatungangang bumbero sa Barangay Pulo Fire Station na walang ginawa kundi ang mangulangot lang siguro habang nagbibilang ng mga butiki sa kisame ng kanilang fire station.

Pero nangako naman si NCR Bureau of Fire Director Gen. Santiago Laguna sa WSR na agad siyang magpapadala ng mga bagong gulong ng truck para sa Barangay Pulo Fire Station. Nangako rin siya na pagsapit ng April 25, lahat ng mga fire trucks sa nasabing fire station ay na-repair at gumagana na. Nangako rin ito na magkakaroon din ng mga bagong fire truck doon.

ISANG TIP ANG natanggap ng inyong SHOOTING RANGE na ang Games and Amusements Board (GAB) ay tinangka umanong pigilin ang pagdaraos ng Philippine Open Pool Championship sa SM Megamall kamakailan.

Pero pumalag daw ang mga organizers at walang nagawa ang mga taga-GAB kundi payagan na matuloy ang laro. Ang gusto raw kasi ng mga taga-GAB, kailangan kumuha muna ng lisensiya ang lahat ng mga billards player sa kanila maging local man o international bago ito makalahok sa anumang cham-pionship game.

Tsk… tsk… tsk… maliwanag pa sa sikat ng araw na isang uri nang “pagpapakilala” ang tinangkang gawin ng GAB.

Dapat sigurong buwagin na itong GAB dahil wala akong nakikitang silbi nito. Madalas kong mabalitaan na nakasentro ang atensyon ng ilan sa mga kawani ng GAB sa panghuhuli ng mga iligal na mga pasu-galan. Maging mga KTV, sauna at sex dens ay pinupuntirya na rin daw ng mga taga-GAB.

Kapag nag-raid ang mga taga-GAB, kailangan nila ng armed component kaya humihingi sila ng ayuda sa PNP. At alam naman na natin na marami sa mga taga-PNP ang pasok sa illegal gambling at iba pang uri ng mga bisyo. Kaya kung lehitimo talaga ang kanilang balak, alam nilang bago pa man nila mapuntahan ang isang pasugalan, natimbrehan na ito ng mga isasama nilang pulis.

Putuk na putok ang balita na may mga kolektor ang umo-orbit sa lahat ng iligal na pasugalan pati na ang mga sauna at KTV bars at kumukolekta ng tara para raw sa GAB.

Dapat busisiin nang mabuti ni Pangulong Aquino ang GAB dahil animo’y puro raket lamang ang lakad ng ilan sa mga ito at dinu-duplicate lamang nila ang functions ng ibang ahensiya ng gobyerno.

Abangan mamayang gabi ang isa na namang bakbakang episode ng WANTED sa TV5, 11:30 pm, pagkatapos ng Aksyon Journalismo.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.