Sunshine Dizon, traumatized by ex-bf

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

WALA NANG MAGAWA si Sunshine Dizon kundi sagutin ang tungkol sa kanila ni Jojo Manlongat dahil nagpa-interview ang huli sa Startalk na mapapanood n’yo bukas.
Hindi naman showbiz itong si Jojo pero parang ganu’n na rin, kasi maraming taga-showbiz ang na-link sa kanya.

Ang latest nga na na-link sa kanya bukod kay Sunshine ay sina Jean Garcia at Phoemela Baranda pero tanging si Sunshine lang ang inamin ni Jojo na naging sila raw nang mahigit isang taon.

Ang huling na-link sa kanya ay si Jean Garcia pero hindi raw totoo iyon. Naging magkaibigan lang daw talaga sila ni Jean.

Maayos naman daw ang paghihiwalay nila ni Sunshine at hanggang ngayon nga, magkaibigan pa rin daw sila. Ang alam ko, hindi lang talaga siya type ni Mommy Dorothy na itinatanggi naman ni Jojo dahil mabait naman daw sa kanya si Mommy Dorothy.

Nang kinunan ng reaksiyon si Sunshine, napapangiti lang ito pero medyo irita dahil ayaw niya talaga itong pag-usapan. Hindi naman daw showbiz si Jojo Manlongat kaya mas gusto niyang huwag na lang itong pag-usapan. Maayos naman daw sila ni Jojo at hanggang ngayon nga, may komunikasyon pa rin daw sila.

Ang nakapagtataka lang kay Sunshine, open naman siya sa lahat na mga lalaking nakarelasyon niya. Pero itong kay Jojo, ayaw niya talagang mag-comment.

Dito yata siya na-trauma nang husto nang mag-break sila kaya na-hospital nga ito sa sobrang depression. Kaya ganu’n na lang siguro ang irita ni Mommy Dorothy sa kanya.

Napapansin ko ngayon kay Sunshine, ang ganda niya ngayon. Loveless daw kasi kaya dapat maganda pero mukhang wala naman siyang time dahil abala sa taping ng All About Eve na magsisimula na sa March 9, at ang pelikulang Sundo nila ni Robin Padilla na sa March 18 naman ang showing.

KASAMA RIN PALA si Alfred Vargas sa All About Eve at happy siya sa role niya dito. Next week nga, aalis siya pa-Singapore para mag-taping doon ng ilang eksena para sa telebabad na ito ng GMA 7.

Todo-kayod daw muna siya ngayon dahil next year magiging abala na siya sa pangangampanya sa darating na eleksiyon.

Ang sabi nga, magpapakasal na raw siya sa non-showbiz girlfriend niyang Filipino-Italian na si Yasmien, pero itinatanggi naman ito ng aktor. Nandito na kasi sa susunod na taon ang girlfriend niya dahil tapos na ito sa pag-aaral sa Italy, kaya maaring tutulong ito sa pangangampanya ni Alfred. Pero hindi naman daw kailangang magpakasal na sila.

Ang dami pang plano nitong alaga ko at mukhang matagalan pa iyang kasal-kasal na iyan.

NAPAG-USAPAN NA RIN lang ang kasal, nakakaloka itong kasalan nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo dahil bukod sa manager ni Judy Ann na si Alfie Lorenzo ang nagtatampo sa kanila, pati raw si Mommy Carol ay nagtatampo na rin dahil wala pa raw itong kaalam-alam tungkol sa nalalapit nilang kasal.

Kasi naman, sina Juday at Ryan lang yata ang nakaalam kung kailan na talaga dahil kahit nga si Paul Cabral na gumagawa ng wedding gown nito, hindi rin alam kung kailan talaga ang wedding. Basta nang ipinagawa raw sa kanya ang gown, ang bilin daw, kailangan matapos between April and May pero walang eksaktong date.

Naloka na nga si Paul dahil ngayon lang daw siya nakaranas na gumawa ng wedding gown na hindi alam kung kailan talaga ang kasal. Sana masabihan naman daw siya at least one week before the wedding para makapaghanda naman daw siya.

Ang alam ko, naayos naman ni Juday si Alfie at ang Mommy niya para hindi na sila magtatampo sa kasal na iyan.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.