Sunshine Cruz, dinadaan ni Cesar Montano sa santong paspasan

DALAWA SA matinding akusasyon ni Sunshine Cruz laban sa kanyang husband na si Cesar Montano ay ang tungkol sa diumano’y pagkuha ni Buboy sa kanilang mga anak, na hindi isinosoli. Pangalawang nakagugulat ay ang tungkol sa umano’y panggagahasa sa kanya.

Bilang isang ina, hindi madali para sa aktres ang kanyang dinaraanan, dahil sobra silang malapit sa isa’t isa ng kanyang mga anak, lalo na nu’ng okey pa ang relasyon nila ni Cesar. Basta na lang daw pumapatak ang mga luha ni Shine magmula nu’ng hindi na niya nakakasama ang mga bata.

Ang lahi kasi nina Sunshine ay sobrang mapagmahal sa pamilya at mga kaanak. Dumaraan sila sa mga tampuhan tulad ng ibang simple tao lamang. Pero madali rin naman silang nagkakaayos na magpipinsan, dahil mga tampuhan lang naman iyon. Sa pagpapalaki naman ng mga anak, dikit talaga sila lagi sa isa’t isa, ‘tulad ng nakita ng mga taga-showbiz kung papaano nila ni Cesar pinalaki ang kanilang mga anak.

Malungkot siyempre ‘yung maakusahan ngayon si Cesar ng panggagahasa. Pero kahit pa sinabi ni Sunshine nang paulit-ulit noon at ngayon na si Buboy lang ‘yung tanging lalaki na sobra niyang minahal, hindi na talaga katanggap-tanggap na ipilit pa ng actor ang kanyang sarili sa aktres sa pamamagitan ng puwersahang pakikipagtalik.

Matagal na kasi silang hindi nagsasama, at kapag sinabing hiwalay na ang mag-asawa, kahit gusto ng husband, kung umaayaw na si misis ay masakit talaga para sa kanya na makipagtalik sa hiniwalayang asawa.

 

Rufa Mae Quinto, nakakasawa na ang pagpapatawa

 

WALA NAMANG duda na bilang artista ay mahal talaga ni Rufa Mae Quinto ang kanyang showbiz career. Kaya nga hanggang ngayon ay narito pa rin siya kumpara sa mga napag-iwanan niya at mga nalaos na nakasabayan sa pag-aartista mula sa show noong That’s Entertainment ni German Moreno. Kaya lang, sa dami ng mga nagsusulputan ngayong mga komedyana ay parang nagkaroon ng lamlam ang kasikatan ni P-chi.

Ang lamang lang ni Rufa Mae sa ibang komedyana ay ang kanyang matapang na pagpapaseksi. Pero sa haba na rin ng inilagi niya sa showbiz, kailangan na niyang magpakita ng bagong pasabog para uminit pang muli ang kanyang career.

Sa telebisyon ay iisa na lang ang poste ng kanyang kasikatan, at ito ay ang gag show na Bubble Gang ng GMA-7, kung saan wala na talagang bago dahil hindi ka na magugulat sa istilo ng pagpapatawa ni Rufa, dahil paulit-ulit lang naman ang kanyang istilo.

Kailangang kumita ang pelikula ni Rufa Mae na Ang Huling Henya dahil matagal din siyang walang pelikula na ipinalabas.  Hindi na fresh si Rufa Mae, kaya kailangan niyang manggulat ulit tungkol sa career. Kaseksihan lang ang lamang niya kina Ai-Ai delas Alas, Pokwang at Eugene Domingo. Pero ang tatlong nabanggit na komedyana ay pupuwedeng magdrama at paniniwalaan mo sila habang umaarte sa mga iyakang eksena.

Propesyunal na artista si P-chi, pero kailangan na talaga niyang magpakita ng bagong panggulat sa career, para hindi siya malaos.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.