Sundalo, itinumba sa KTV bar

DEAD ON the spot ang isang miyembro ng Philippine Army matapos barilin ng hindi nakikilalang sa-larin sa isang KTV bar sa Arnaldo Boulevard, Roxas City.

Nagtamo ng sugat sa dibdib na tumagos sa likurang bahagi ng katawan ang biktimang si Pfc. Eldrin Bornales, 38, ng Barangay Dulangan, Pilar, Capiz at naka-assign sa 301st Infantry Brigade na nakabase sa Dingle, Iloilo.

Nasugatan naman ang bayaw na seaman ng biktima na nakilalang si Marlon Palencia, 40, matapos binugbog ng grupo ng kalalakihan.

Base sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumilitaw na nagsimula ang gulo nang maging mai-ngay at makulit na ang biktima dahil sa sobrang kalasingan.

Nagkaroon ng rambulan sa loob ng Paraiso KTV bar matapos magwala ang biktima at mahagisan ng baso ang isang kustomer.

Sa galit ng ibang mga kustomer ay napagbalingan ang bayaw ni Bornales na ginulpi.

Makaraan ang ilang minuto ay nakarinig ng dalawang putok ng baril, hanggang sa nakita na lamang ang nakahandusay at duguang katawan ng biktima sa gitna ng center island ng kalsada.

Sa kabilang dako, tatlong kalalakihan na nagtatrabaho sa nabanggit na KTV bar ang inimbitahan ng mga awtoridad  para sumailalim sa paraffin test.

Sa ngayon, isasailalim sa awtopsiya ang labi ng biktima.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.