Summa Cum Laude, May Death Threats;
Graduation, Muntik Na ‘Di Matuloy

NAGPATUPAD NG mahigpit na seguridad ang pamunuan ng Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac City, lalawigan ng Ilocos Norte matapos makatanggap ang summa cum laude ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Muntik nang hindi matuloy ang 35th commencement exercises makaraang makatanggap si Dane Calica, summa cum laude ng Bachelor of Science in Biology at residente ng Brgy. 15 sa Laoag City, ng text message na kapag hindi makansela ang graduation ay magsasagawa ang grupong tinawag ang kanilang sarili na “Spiders” ng pagpaslang.

Sa nasabing text message, inamin din ng naturang grupo na sila ang nasa likuran ng pagkasunog ng isang gusali ng MMSU noong Lunes, Abril 1.

Nakasaad pa sa mensahe na kailangan nila ng P100 milyon para maipatayo muli ang nasunog na gusali kaya’t kailangang magbigay ang kada estudyante ng MMSU ng tig-P50,000 at kailangan ding maibigay ang halaga hanggang Sabado, Abril 6.

Kung hindi aniya ay papatayin nila ang summa cum laude sa naturang petsa.

Naniniwala naman ang presidente ng unibersidad na si Dr. Miriam Pascua na pananakot lamang sa naturang estudyante, na siyang nagbigay ng valedictory address sa graduation, ang natanggap na mensahe.

Samantala, natuloy rin ang graduation at wala ring nangyaring pagpatay.

Sa ngayon, patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ng Batac City ang insidente ng pagkasunog ng CETC building.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.