Sumama sa rally ni Echiverri, mga bayaran?

SA SIMULA PA lamang ng pagsasagawa ng kilos-protesta sa harap ng Caloocan City Hall, may daan-daang bayarang taga-suporta umano ni Mayor Enrico Echiverri ang nagsida-ting upang kondenahin ang six months preventive suspension na ipinalabas ng Office of the Ombudsman laban sa nasabing alkalde.

Sinabi ng source na mula mismo sa city hall ng Caloocan, daan-daang libong piso umano ang nawawala kada araw sa kaban yaman ng lungsod sa isinasagawang kilos-protesta.

Nabatid mula sa source, ang mga daan-daang nagsasagawa ng kilos-protesta na kinalap umano ng mga barangay chairman na mga kaalyado ni Echiverri ay mga bayad sa halagang P300 bawat isa kada araw.

Ang iba namang nagsisama sa kilos protesta na mga kawani ng city hall ay mga napilitan lamang sa dahilang natatakot silang tanggalin sa kanilang trabaho.

Nabatid pa sa source, bago magsimula ang kilos-protesta ay pinulong umano ni Echiverri ang mga malalapit nitong barangay chairman at mga kawad ng barangay, kung saan ay binigyan umano ni Echiverri ng tig-P10,000 bawat isa para kumalap ng mga tao, at para magpakita ng kanilang “full force” sa pagsama sa kilos-protesta.

Hawak ang mga streamers at placards, alas-8 pa lamang kahapon ng umaga, nagsagawa na ng rally ang mga taga-suporta ni Echiverri  na nanggaling sa una at ikalawang distrito ng lungsod.

Magugunitang sinuspinde ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro si Echiverri matapos kasuhan  ni Erice, kaugnay sa hindi pagre-remit ng lungsod sa Government Services Insurance System (GSIS) remittance sa may 3,000 empleyado ng city government.

Nilinaw  ni Echiverri na hindi pa siya nakakakuha ng sipi ng suspension order mula sa Ombudsman at sa media pa niya ito nalaman na siya ay suspendido na.

Iginiit ng alkalde na hanggang July 31, 2011 pa ang kanilang pag-uusap ni dating GSIS Chairman Daniel Lacson upang ayusin at mabayaran  ang utang ng Caloocan City sa nasabing ahensiya, kung kaya’t hindi makatarungan ang pagsuspinde sa kanya.

Ayon naman kay Vice Mayor Erice, pitong taon na ang nasabing problema, pero hindi pa rin ito nereresolba ni Echiverri.

Sinabi pa ng bise alkalde na anim na taon nang hindi nakakapag salary loan sa GSIS  ang mga empleyado ng lungsod,  dahil sa utang nito na umaabot na sa P343 milyon mula 2004 hanggang 2010.

Binigyang-diin pa ni Erice na hindi pamumulitika ang pagsasampa niya ng kaso kay Echiverri, bagkus ipinaglalaban lamang nito ang kanyang karapatan bilang isang miyembro ng GSIS.

Ayon pa sa reliable source, unti-unti na umanong inaalis ni Echiverri ang kanyang mga mahahalagang gamit at mga mahahalagang papeles sa tanggapan ng city hall.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

One thought on “Sumama sa rally ni Echiverri, mga bayaran?

Leave a Reply

Your email address will not be published.