Suicide, nakikitang sagot sa problema
Mga Kabataang Nagpapatiwakal, Dumarami

KAWALAN NG tunay na koneksyon at kakayahang harapin ang problema ang nakikitang ilan sa dahilan sa nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga nagpapatiwakal na kabataan sa bansa.

Ito ang sinabi ni Dr. Dinah Nadera, isang psychiatrist at associate professor sa University of the Philippines (UP) Open University sa isang panayam.

Sa harap na rin ito ng pinakahuling kaso ng tatlong estudyante na nagpakamatay sa magkakahiwalay na insidente sa Batangas, Cavite at pinakahuli sa Maynila kahapon ng madaling-araw.

Lumabas din sa pag-aaral sa mga kasong naitala noong 2009-2010 na tumataas ang reporting ng insidente ng pagpapakamatay tuwing summer season, mula Abril hanggang Mayo.

Paliwanag ni Nadera, ikinukonsidera na ngayon ng kabataan bilang isang opsyon ang pagpapakamatay.

Spirituality, family support at peer support aniya ang nakikita sa mga pag-aaral na maaaring makapigil sa pagpapatiwakal ng kabataan.

Posible rin aniyang maging sanhi ng pagpapakamatay ang paggamit ng droga, sakit sa isip, mahirap na sitwasyon at kawalan ng motivaton na mabuhay kung saan maihahanay na aniya ngayon na psychological problem ang pagpapatiwakal.

Ayon pa kay Dr. Nadera, makatutulong man ang pagpapaigting ng spirituality at suporta ng pamilya at mga kasama sa pagpigil ng pagpapakamatay ng isang bata, posible pa ring magkulang ito.

Sinabi rin ni Nadera ang mga palatandaan ng isang batang magpapakamatay kabilang ang mga sumusunod: pagbabago sa damdamin, kilos at anyo, pagbanat ng birong magpapakamatay, nawawalan ng interes sa mga bagay na dating gusto, pagsasabing walang ibang paraan para masolusyonan ang problema, biglaang paglayo sa mga kamag-anak at kaibigan, depresyon at iba pa.

Problema lamang, ani Nadera, ilan sa mga ito ay hindi kapansin-pansin.

May ilan namang payo si Dr. Nadera sa mga kaanak, kaibigan at kakilala ng mga nais at sa mismong magpapatiwakal.

Ang isyu ng pressure aniya ay tunay na isang risk factor sa pagpapakamatay ng isang bata. Nakaugat aniya ang risk factor na ito sa problema sa pamilya.

Payo ni Nadera, ingatan ng mga magulang ang pagtugon sa ganitong problema. Kilalaning maigi ang anak, mga kaibigan nito para maging “connected” sa pagkatao ng anak at sa mga pinagdaraanan nito.

Mainam na maging bukas ang sinumang nakakasalamuha sa damdamin at kaisipan ng kakilalang dumadaan sa pagsubok.

Samantala, bukod sa pressure, kabilang din sa risk factors ang hiya, takot at pakiramdam na hindi “connected”.

Sa kabila ng social media kung saan lublob ang kabataan ngayon, giit ni Nadera, hindi ito garantiya ng “connectedness” na maaari aniyang nawawala sa mga kabataan ngayon.

Kailangan din aniyang maging alerto ang mga kaanak at kakilala ng mga potensyal na magpakamatay.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.