Sugar Mercado, nagko-commute na lang! – Pilar Mateo

HANGGANG ngayon pala, hindi pa rin naaayos ang diumano’y pagkawala ng sasakyan ng kabilang na sa mga comic hosts ng bars ni Allan K. sa Quezon City na si Sugar Mercado.

Hindi na-carnap ang sasakyan ni Sugar. Diumano, nagtiwala ito sa ilang tao para asikasuhin ang sasakyan niya at nang magkaroon sila ng falling out ng mga taong ito, hindi na rin ibinigay sa kanya ang nasabing sasakyan at inangkin na lang ito diumano ng mga pinagkatiwalaan niya.

Idinadaan na nga lang ni Sugar at ng kanyang ina sa biro ang mga usapan tungkol sa kanyang pinaghihirapan na sanang sasakyan. Kaya naman ngayon, balik siya sa pagko-commute. Mas dinodoble na lang ni Sugar ang sipag sa mga raket niya.

Pero napansin naming may malaking pagbabago sa dalaga – hindi sa pagko-comedy niya o pagkanta na kinatutuwaan ng mga manonood – kundi sa aura nitong hindi maikakailang in love!

Nakarating sa akin ang balitang isang binata mula sa prominenteng angkan sa Pampanga ang madalas ngayong nagbabalik-balik saan man naka-set si Sugar. At mukhang seryoso ang binata sa panliligaw sa dalaga, ha?

Kapag nakita n’yo si Sugar na laging may suot na Gucci sweater (na made in Italy), isa lang ang ibig sabihin nu’n – na tini-treasure nitong mabuti ang regalo sa kanya ng bago niyang manliligaw. Ito rin daw kaya ang dahilan kung bakit nae-enjoy din ni Sugar ang pamamasyal ngayon sa parteng ‘yon ng Pampanga at mala-Pia Guanio’ng nagsa-safari trip sa Subic?

NAGPAPASINTABI PA PALA si Ruffa Gutierrez sa best friend nitong si Carmina Villaroel kung may kailangan siyang itanong kay Zoren Legaspi para sa mga kailangan nila sa promo nila for Regal Films’ Shake, Rattle & Roll XI (‘Ukay-Ukay’ episode), kahit na hindi naman daw nito kelangan pang gawin ‘yon, ayon na rin kay Zoren.

Umiiwas lang daw si Ruffa na may masabing hindi maganda sa kanya ang best friend.

Although sa pag-uusap ng dalawa kasama ang press sa mga nagdaan sa kanila, lumalabas na si Zoren pala ang mas naging seloso nu’ng may relasyon pa sila. Kasi nga raw, hindi maiwasang maging ligawin pa rin ang Ruffa kahit sila na.

Kaya nga raw noong ikinasal na si Ruffa kay “Y”at naka-ready na si Zoren sa suit na isusuot niya sa pagdalo sa kasal nito, nadismaya siya nang tawagan siya ni Ruffa para sabihang huwag na lang tumuloy dahil nga ayaw raw ni “Y” na makita ang mga ex-boyfriend ng magiging misis niya.

Pabirong sabi ni Zoren, “Doon ko naramdaman na parang ang baba ng pagtingin mo sa akin.” Na siyempre, sinundot pa rin nito ng pagiging understanding niya kaya si Carmina na lang ang pinatuloy niya para dumalo sa kasal nito.

Nabuking din na there was a time pala na binaybay pa ni Zoren ang EDSA makarating lang ng White Plains para magka-balikan sila ni Ruffa na ilang oras din siyang pinaghintay. At kung ‘di pa siya pinilit ni Tita Anabelle (Rama) na labasin si Zoren eh, uuwi siyang luhaan at walang maaayos sa pagtitinginan nila.

Sina Ruffa at Zoren daw siguro ang magandang gawing ehemplo ng mga hindi nagkakatuluyan sa showbiz, dahil after almost a decade na nagdedmahan sila, naibalik pa rin nila sa dati ang pagkakaibigan nila.

Kung wala nga raw sigurong Carmina sa buhay ngayon ni Zoren, masasabing meron pang feelings na natitira para sa isa’t isa. Pero sabi ni Ruffa, wala siyang nire-regret o pinagsisisihan. Dahil wala naman daw siguro siyang Venice at Lorin kung naiba ang takbo ng mga pangyayari.

The Pillar
by Pilar Mateo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.