Street party kontra pork, ikinasa sa Oktubre 25

ISANG PANIBAGONG ki-los-protesta na naman laban sa pork barrel ang ikinasa sa Oktubre 25, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Vince Lazatin, founder ng “Anti-Epal Movement” at isa sa mga organizer, na layunin ng “Porktober Fest” na ipanawagan ang pagbuwag sa pork barrel at pagpapanagot sa mga dawit sa maling paggamit ng pondo ng bayan.

Ang “Porktober Fest” ay isa aniyang street party na gaganapin sa Tomas Morato, Quezon City simula alas-7:00 ng gabi.

Aniya, walang personalidad na magbibigay ng talumpati sa okasyon dahil hindi nila hangad na mahaluan ito ng pulitika.

Inaanyayahan ang lahat, partikular ang mga mahilig gumimik tuwing araw ng Biyernes, na makiisa sa nasabing okasyon at ipanawagan ang pagbuwag sa pork barrel.

Hinihimok din na ang mga pupunta ay magsuot ng kulay puti.

Sa Facebook event post na “#PORKTOBERFEST – A Street Party Protest Against the Pork Barrel System”, inimbitahan din ng grupo ang pamunuan ng mga bar sa Morato pati ang mga street performers.

Magkakaroon din ng noise barrage pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi.

Samantala, nilinaw ni Lazatin na hindi libre ang inumin at pagkain sa street party.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.