STL na Jueteng sa Region 3 at iba pang lugar, laganap

HINDI MAPIGIL NI PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang talamak na operasyon ng mga iligal na pasugalan sa buong Region 3 at iba pang lugar sa Mountain Province na umano’y pinapatupad ng mga tauhan ng mga gambling lord na malapit sa administrasyong Aquino.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Pinoy Parazzi, isang nagngangalang Roger C. na tauhan ng isang ‘lord of the gambling lord’ na malapit sa Pangulo ang siyang namamayagpag na nagpapasugal ng STL na Jueteng din sa Nueva Vizcaya, Cagayan, Tugguegarao City, Quirino, at sa 1st at 2nd district ng Isabela. Samantalang ang 3rd at 4th district naman ng Isabela ay isang bise-alkalde daw na si Jose Bentot Panigan ang siyang nagpapatupad ng nasabing iligal na sugal.

Kunwari STL o small town lottery ang kanilang laro na may mga ID pa ang mga kabo at kubrador galing sa PCSO, pero Jueteng din ang kanilang pinapalaro na umano’y niloloko lamang ng mga ito ang ahensiya ng PCSO.

Napag-alaman pang walang takot itong si Roger sa pagpapatupad ng kanyang iligal na gawain dahil nasa likod naman daw nito ang maimpluwensiyang gambling lord na dikit sa administrasyong Aquino.

Nais manawagan ang mga residente at mga iba’t ibang civic organizations at ng Simbahang Katoliko kina PNP Regional Director Francisco Villaroman, PNP Provincial Director Mao Aplasca ng Cagayan at Tuguegarao City, PNP Provincial Director S/Supt. Elmer Beltajar ng Nueva Vizcaya, PNP Provencial Director S/Supt. Delfin Milo ng Quirino, at PNP Provincial Director S/Supt. Jimmy Uy Rivera na magsagawa sila ng agarang aksyon na ipahinto ang mga iligal na aktibidades sa kanilang mga nasasakupang lugar upang hindi madumihan ang kanilang plantsadong uniporme at upang hindi masira ang magandang imahe ng mga nabanggit na probinsiya.

Nais ding iparating ng mga ito kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo na panahon na para ipatupad nito ang one strike policy ng PNP sa sinumang mahulihan na may mga pasugalan sa kanilang nasasakupang lugar, lalung-lalo na sa kontrobersyal na sugal na Jueteng, na ipinaglalaban na maalis ni Lingayen-Dagupan ex-bishop Oscar Cruz.

Hinahamon ng mga taong bayan ang mga nabanggit na opisyal ng PNP na kung talagang malinis ang kanilang kunsensiya na sinasabing hindi sila tumatanggap ng limpak-limpak na tongpats sa mga nabanggit na iligal na pasugalan, isang salita lamang nila ay dagling maipatigil ang sugal na ito na STL-Jueteng na malinaw na dinadaya pati ang Philippine Charity Sweepstake Office. Ipinagmamalaki pa ng mga nasa likod ng iligal na sugal na may binibigyan din sila sa loob ng lagay kada buwan upang hindi sila tanggalan ng kaukulang prangkisa mula sa PCSO. (Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.