Stef Prescott: Mag-Survive Kaya sa Showbiz?

INAABANGAN GABI-GABI SA GMA-7 ang Survivor Philippines Celebrity Edition II, na muling pinangungunahan ni Richard Gutierrez. Maliban sa mga kapana-panabik na eksena at kakaibang challenges, tinututukan din dito ng mga kalalakihan ang nagseseksihang bebot na lumalaban para mabuhay sa isla.

Isa sa mga babaeng artista ng Siyete na tuluyang nakapasok sa nasabing reality TV show ang Starstruck IV avenger na si Stef Prescott. Hindi ito pinalad na makapasok sa Final 6 ng Starstruck noon, pero hindi ito naging hudyat para bigyan siya ng proyekto ng home network. Kung hindi kami nagkakamali, never pa nagkaroon ng sarili niyang lead show si Stef. Wala rin itong pelikulang pinagbibidahan. Naging mabenta ang beauty ng dalagang ito pagdating sa mga kontrabida roles. May stigma na nga ba talaga sa mga seksing mestizang babae?

Early this year, nabigyan ng pagkakataon si Stef na mapabilang sa Captain Barbell 2011. Hindi man siya isa sa leading ladies ni Richard Gutierrez sa fantaserye, nagkaroon naman ito ng mga tagahanga dahil sa angking kaseksihan. This year din ay lumabas na rin siya sa cover ng FHM Philippines at sa Boracay pa talaga ang shoot, huh?! Basta lahat ‘ata ay kaya niyang gawin para lang sumikat at tumagal sa business.

Aminado si Stef Prescott na exposure talaga ang habol niya sa Survivor Philippines Celebrity Edition II. Partner-in-crime niya rito ang commercial model na si Gino dela Peña. May tsika pa nga na naging super close ang dalawa sa isang liblib na isla ng Palawan kaya naging totohanan na ang kanilang pagpapares. Tsika lang ‘yun, ha? Pwede naman kasing totohanin eh!

Tapos na ang taping ng programang ito at tikom pa ang bibig ng lahat ng kalahok. Manalo man o matalo, may puwang pa rin kaya talaga sa showbiz ang isang Stef Prescott? Ano sa tingin ninyo?

By Mica Rodriguez

Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.