State of Emergency sa Zambo, ‘di kailangan – PNoy

NANINDIGAN SI Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na hindi kailangan ang magdeklara ng “state of emergency” sa Zamboanga City, sa kabila nang nagpapatuloy na standoff sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Moro National Liberation Front-Nur Misuari group.

Muling tiniyak ng Pa-ngulo na “on top of the situation” ang government forces sa pangyayari sa nasabing lungsod.

Una rito, binulabog ng manaka-nakang pagsabog mula sa rocket-propelled grenades (RPG) at mortars ang lungsod ng Zamboanga sa standoff.

Ayon kay Mayor Beng Climaco-Salazar, may mga “movement” ang MNLF group para tumakas, kasama ang mahigit 200 hostages.

Base sa impormasyong nakalap, naganap umano ang panibagong palitan ng putok sa Brgy. Santa Barbara pasado ala-7:20 kahapon ng umaga.

May ulat din na patungo sa dagat ang pagpapakawala ng mortar kaya inabisuhan ang ilang barko ng Philippine Navy at Coast Guard na lumayo muna sa coastal area o sa pier ng Zamboanga.

Patuloy rin umano ang ginagawang “aerial survey” ng military helicopters sa mga barangay na pinaniniwalaang inookopa ng mga rebelde.

Kinansela rin ang pasok sa pribado at pampublikong tanggapan sa Zamboanga, maging sa mga eskuwelahan habang suspendido naman ang paglalayag ng mga barko at flight ng mga eroplano.

Samantala, inihayag ni Climaco na irerekomenda nila ang pagtanggal ng ban sa flight ng mga eroplano dahil hindi naman apektado ang paliparan ng Zamboanga.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.