‘Special court’ sa pork scam, tinutulan ng whistleblowers

TINUTULAN NG mga testigo sa pork barrel fund scam na bumuo ng ‘special court’ para sa hiwalay na pagdinig para sa kontrobersiyal na PDAF scam kontra kay Janet Lim-Napoles at ng iba pang mga mambabatas.

Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ni Benhur Luy at ng iba pang mga testigo na ang pagbuo ng tinatawag na ‘special court’ay lalo lamang makapagpapabagal sa pag-usad ng kaso lalo na’t naisampa na ito sa Office of the Ombudsman.

Inihayag pa ni Baligod na sa nasabing hakbang, kinakailangan pa ng batas ang Kongreso para bumuo ng special court.

Ngunit sakaling ito naman aniya ay pagbigyan ng Supreme Court (SC) ang mahalaga aniya ay asahan ang mabilis na pagdinig sa kaso.

Una na ring sinabi ng abogado na naniniwala sila na bago ang buwan ng Hunyo ay may ilalabas na arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa mga nakasuhang mambabatas at iba pang mga sangkot sa kaso.

“It will just delay a process, because it requires a law to create a court. It is the Congress to pass the law,” pahayag ni Baligod.

Para naman sa Malacañang, ipinauubaya na nila sa SC ang pagdesisyon kung kinakailangan na bumuo ng special court.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, umaasa ang Palasyo na makakatulong para mapabilis pa ang pag-usad sa kaso sakaling ito ay pagbigyang ng kataas-taasang hukuman.

Una na ring inihayag ni  Sen. Chiz Escudero, na mandated naman sa Saligang Batas ang pagkakaroon ng mabilisang pagdinig sa bawat kaso ngunit ibang usapin aniya na gawing araw-araw ang trial lalo na sa kaso ng PDAF scam.

Hindi kasi aniya magandang pakinggan na sa ganitong kaso ay mayroong espesyal na korte na didinig, sa halip dapat aniyang tiyakin ng pamahalaan na lahat ng kaso ng katiwalian sa pamahalaan ay prioridad.

Pero ayon sa nagsusulong ng panukala na si Senate majority floor leader Sen. Alan Peter Cayetano, hindi lamang nakasentro ang kanyang panukala sa kaso ni Napoles at ilang mga mambabatas kundi sa lahat ng malalaking plunder cases.

Isang paraan aniya ito na matakot ang mga nagbabalak na gumawa ng katiwalian sa pamahalaan kung ang paglilitis sa kaso ay mabilisan para agad na maparusahan ang mga akusado.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “‘Special court’ sa pork scam, tinutulan ng whistleblowers

  1. Pingback: ‘Special court’ sa pork scam, tinutulan ng whistleblowers - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.