Speaker Belmonte, mas gustong mag-Cha-Cha

MAS PRAYORIDAD ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pag-amyenda sa Saligang Batas kaysa pagsusulong ng Freedom of Information (FOI) bill.

Sinabi ni Belmonte na umaasa siyang maisasakatuparan ang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Kapag nagtagumpay si Belmonte na maalis ang mga katagang “unless otherwise provided by law”, maaari nang magsulong ang Kongreso ng mga batas gaya ng pagmamay-ari ng mga banyaga ng lupain sa Pilipinas, media organizations at iba pa.

Samantala, kamakailan lamang ay mismong si House Majority Leader Neptali Gonzales II ang nagsabing wala nang oras para itulak ang Charter Change dahil papalapit na ang 2016 presidential elections.

Inihayag pa ni Gonzales na magiging kaduda-duda sa taumbayan ang timing ng pag-amyenda dahil maraming matatakot na may magsingit ng mga pagbabago sa aspetong pulitikal nito.

Sinabi naman ng speaker na mas makabubuting unahin muna ang Charter Change bago ang FOI bill.

Una nang inihayag ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na hindi niya prayoridad ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Umaasa naman si Belmonte na makukumbinsi niya ang Punong Ehekutibo na magbago ng isip.

Gayundin, walang direktang suporta ang Palasyo sa FOI bill.

Ayon naman sa mga tagapagsalita ni PNoy, bahala ang Kongreso na pagdebatehan ang panukalang batas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.