Sorpresang drug testing sa 170 pulis sa Caloocan City, isinagawa

ISANG SORPRESANG DRUG test ang isinagawa ng Caloocan City Police sa may 170 miyembro nito upang mabatid ng kanilang commander kung sino sa kanyang mga tauhan ang gumagamit ng iligal na droga.

Noong Miyerkules ng umaga, ipinatupad ni P/ Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police Station ang drug test na isinagawa sa firing range.

Si P/Sr. Inspector Reynaldo Valdez, hepe ng Warrant and Subpoena Section ang nangasiwa sa isinagawang drug testing, kung saan umabot sa 97 pulis ang nakunan ng drug test.

Nakumpleto ang 170 pulis na isinailalim sa drug test, Huwebes ng hapon.

Ayon kay Santos, ito ang ika-anim na beses na isinailalim niya sa drug test ang kanyang mga tauhan na hinihinalang gumagamit ng iligal na droga.

Layon ni Santos na linisin ang imahe ng pulis-Caloocan at alisin ang mga addict na pulis sa departamento.

“Ang mga pulis dapat ang magsisilbing halimbawa na hindi gumagamit ng iligal na droga. Napa-kasagwa naman kung pulis pa ang promotor, pa’no tayo paniniwalaan ng publiko?” paliwanag ni Santos.

Tiniyak ni Santos na isasailalim sa Pre-Charge ang sinumang pulis na magiging positibo sa paggamit ng iligal na droga sa oras na lumabas ang resulta nito.

Hindi rin mangingimi si Santos na ihayag ang mga pangalan ng pulis na posi-tibo sa paggamit ng iligal na droga.

“Dapat lang na ihayag ang pangalan para magtanda, dapat walang puwang sa Caloocan ang mga addict na pulis,” pagtatapos ni Santos.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.