Snatcher ng Koreano, Tiklo sa Pulis

 

BIGONG MAITAKAS ng isang kilabot na snatcher ang mahahalagang gamit ng dalawang Korean national na kapwa estudyante ng Bulacan State University, makaraang masabat ng isang pulis habang papatakas mula sa tahanan ng mga dayuhang biktima kamakalawa ng gabi sa Paseo de Congreso, Brgy, Catmon, Malolos City.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Dave Poklay kay PNP Provincial Director P/S Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang nadakip na suspek na si Lino David Y Sarmiento, 24 anyos, ng sitio Tuklas sa nabanggit na lungsod, samantalang ang mga biktima naman ay nakilalang sina Jang Ji Youong, 19; at Jeon Su Hyeon 22 anyos, kapwa Korean national English students sa BSU.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa nabanggit na lugar, kung saan papasok na umano sa inuupahang bahay ang mga biktima nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing inagaw ang dalang bag ng mga Koreano.

Nabatid na papatakas na ang suspek ng aksidenteng masukol ng naka-motorsiklong pulis na si PO2 Webster Liwag, kung saan humahangos itong tumatakbong papalayo sa dalawang Korean student, dahilan upang arestuhin ito ng naturang pulis.

Samantala labis naman ang pagpapasalamat ng dalawang dayuhan sa pagkakabalik ng kanilang mahahalagang gamit. Kaugnay nito, pinapurihan naman ni City Mayor Christian Natividad ang mabilis na aksyon ng mga alagad ng batas.

(TONY DELA PEÑA)  

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.