Sitwasyon Sa Korea, Kalmado Pa Rin

NANANATILING KALMADO ang sitwasyon at wala pang imminent threat ng giyera sa Korean Peninsula.

Ito ang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson, Asec. Raul Hernandez sa isang panayam.

Pero tiniyak niyang nakalatag na ang lahat saka-ling pumutok ang gulo, kung saan natukoy na ang mga convergence zone, convergence area maging ang mga evacuation site para sa contingency plan.

Tinututukan din aniya ang pagbabantay ng US at South Korea sa mga military preparation ng Pyongyang lalo’t limitado lamang ang lumalabas na ulat mula rito.

Pinakahuli sa mga banta ng North Korea ang pagsa-sabing hindi na nito matitiyak ang kaligtasan pa ng mga embahada sa Pyongyang paglipas ng Abril 10. Binanggit din ni Hernandez na hindi lamang Pilipinas kundi ang buong rehiyon partikular ang mga karatig-bansa ng Korean peninsula ang apektado sakaling sumiklab ang giyera roon.

Kaisa aniya ang ating bansa sa panawagan ng mga bansa sa lahat ng sangkot sa isyu na maging mahinahon at daanin sa diplomatikong paraan ang hidwaan sa Korean peninsula.

Mayroong mahigit 40,000 Pinoy sa South Korea na karamihan ay mga skilled worker doon.

Habang may pito namang Pilipino sa North Korea na pawang nasa sektor ng non-governmental organizations. Kinukumpirma pa ng DFA kung nasaan na ang mga ito ngayon.

Nilinaw rin ni Hernandez na walang embahada ang bansa sa Pyongyang dahil nasasakop ng PH embassy sa Beijing, China ang lugar.

Samantala, pinawi ni Hernandez ang mga ispekulasyon ukol sa naudlot na biyahe ni DFA Secreatry Albert del Rosario sa South Korea.

Ngunit dahil nasa maayos na sitwasyon pa at may hi-nihintay pang impormasyon ang kalihim, ipinagpaliban muna ang biyahe nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.