Sino si Venerando Estacio, Jr.?

Sino ang nakakikilala kay Venerando Estacio Jr. at saan ba nagtatrabaho ang hinayupak na ito? Ipinangangalandakan ni Estacio, sa tuwing siya ay nang-aabuso at namumukpok ng baril, na isa siyang special agent ng National Bureau of Investigation.

Ngunit nang mag-check ang WANTED SA RADYO sa NBI, lumitaw na hindi siya kasapi ng nasabing bureau.

Noong Huwebes, December 9, dumulog sa WSR si Ardee Licuanan, security guard ng Mini Stop convenience store sa Pioneer Cityland Condominium sa Mandaluyong City. Ayon sa sumbong ni Ardee, pasado alas-dose ng madaling-araw, habang siya ay naka-duty, pumasok si Estacio at bumili ng isang kahang sigarilyo.

Nangangamoy alak si Estacio. Pagdating pa lang nito sa counter nagdabog na kaagad ito. Matapos niyang mabayaran ang kanyang binili at papalabas na ng tindahan, ipinagbukas siya ng pinto ni Ardee at magalang na sinabihan pang, “Thank you for coming sir, please come again.”

Ngunit sa halip na matuwa, walang kaabug-abog na minura nito si Ardee at tinutukan ng baril sabay sigaw ng, “Bakit masama kang makatingin?” Hindi na pinayagang makapagsalita ni Estacio ang nagulantang na si Ardee at agad niyang kinaladkad ito sabay na pinagsusuntok at pinalo ng baril.

Nang makapiglas si Ardee, tumakbo ito papasok ng stockroom at tangkang hahabulin pa sana ni Estacio ngunit napigilan siya ng mga sumaklolong security guard ng Cityland. Nakapanayam ng WSR si Stacy Marie Castillo, assistant store manager ng Mini Stop kung saan naka-duty si Ardee.

Kinumpirma ni Stacy ang mga ibinigay na pahayag ni Ardee sa inyong SHOOTING RANGE. Nang mangyari ang insidente, si Stacy ang naka-duty na store supervisor at saksi siya sa buong pangyayari.

Kinapanayam din ng WSR ang building administrator ng Cityland na si Annalyn Aldeguer, kung saan si Estacio ay isang residente. Sinabi ni Annalyn na marami na silang natatanggap na reklamo ng pang-aabuso laban kay Estacio mula sa kanyang mga kapwa unit owners.

Kinumpirma rin ng mga security guard ng nasabing condominium ang madalas na ginagawang pang-aabuso ni Estacio lalo pa kapag ito ay nakainom. Walang pumapalag sa kanya dahil napapaniwala niya silang lahat na siya’y agent ng NBI.

Tumawag ang WSR sa Firearms and Explosive Division (FED) at lumitaw na may nakalisensiyang baril dito at may kasamang Permit To Carry. Ngunit hindi masabi ng FED kung ano ba talaga ang trabaho nito at bakit siya ay nabigyan ng lisensiya. Makailang beses na sinubukang tawagan ng WSR ang telepono ni Estacio ngunit hindi niya ito sinasagot.

Sinamahan ng WSR si Ardee sa tanggapan ni Col. Carlos De Sagun, ang hepe ng Mandaluyong PNP, para makapagsampa ng kaso laban kay Estacio. Samantala, nangako naman ang FED na sa oras na matanggap nila ang kopya ng complaint sheet na isinumite ng Mandaluyong PNP sa korte, agad nilang ipo-process ang pag-revoke sa mga lisensiya ng baril ni Estacio.

Bukod sa WSR na mapapakinggan sa DZXL, 558 kHz, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm, ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapakinggan din sa 92.3 NewsFM ng Radyo Singko, Lunes hanggang Biyernes, 10:00 – 11:30 am sa programang pinamagatang ISYU.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Sino si Venerando Estacio, Jr.?

  1. Maraming kaso si Venerando Estacio pero di makita. May nakakaalam ba
    ng address niya? pinaghahanap kasi siya for carnapping and other estafa crimes.
    If you know his whereabouts or birthdate , puede siya pa hold sa immigration

Leave a Reply

Your email address will not be published.