Sindikato sa LTO at LTFRB

MALAKING isyu ngayon kung bakit nairerehistro sa Land Transportation Office ang mga kinakarnap na sasakyan.

Ito ang problema ni LTO chief Virgie Torres na dapat niyang tutukan dahil sa totoo lang, nakaugat na ang tambalang sindikato ng mga taga-loob at taga-labas.

Baka lang hindi alam ni Asec Torres, noong panahon ni General Arturo Lomibao, ni-raid ng PNP ang pabrika ng mga pekeng plaka, pekeng rehistro at mga pekeng car stickers sa loob mismo ng LTO national office compound sa East Avenue, Quezon City.

Hindi imposibleng ang mga empleyado rin mismo ng LTO ang operators ng grupong ito na kinokontak ng mga carnappers.

Tulad halimbawa d’yan sa LTO Pasay City. Mukhang may sindikato ring kumikilos na nagpapaikot sa ulo ni Asec Torres.

Ayon sa mga dokumentong ating nakuha, ang kumpanyang City Bus na ang biyahe ay Alabang-Novaliches via Edsa-Mindanao Avenue ay nakapagparehistro ng mga lumang unit sa Pasay City.

Umaabot sa 34 units ang segunda manong imported bus na pag-aari ng City Bus, Inc. ang nairehistro kahit ipinagbabawal ng batas.

Batay sa importation documents, ang mga second hand bus na galing Korea ay year 2000 model. Pero nang lumabas ang Official Receipt at Certificate of Registration mula sa LTO Pasay, naging year 2009 model na. Magic ito.

Dahil nga lumitaw na bagung-bago ang City Bus, nabigyan naman ito ng prangkisa ng LTFRB na inaprubahan naman ng board sa pangunguna ni Atty. Jimmy Pesigan, Engr. Gerardo Pinili at Atty. Maria Ellen Dirige-Cabatu.

Ang kuwestiyon ngayon, bakit basta na lamang inaprubahan ng LTFRB ang prangkisa ng City Bus na binili mula sa RPBP?

Karaniwan, kapag may mga bagong prangkisa, iniinspeksiyon ng LTRB ang mga bus units sa pamamagitan ng pagharang sa Edsa o kung saan man.

May mga pagkakataon pang pinupuntahan nila ang terminal ng mga aplikante upang matiyak na brand new ang mga bus.

Dapat tingnan ni bagong LTFRB chairman Laluces ang ganitong sindikato na matagal nang kumikilos sa kanyang ahensiya sa tulong na rin ng LTO.

Sa bahagi naman ng City Bus, dapat nilang sagutin kung bakit sila nag-import ng year 2000 model at kung sino ang katulong nila sa LTO Pasay para mapalabas na year 2009 model ang kanilang mga units.

Kung patuloy na makakakilos ang sindikato sa LTO at LTFRB, hindi nakapagtatakang masyado ngang dumami ang mga bus sa Edsa na siyang nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Pagkakataon na nila Asec Torres at Chairman Laluces para sila naman ang magtambalan sa pagsugpo sa sindikato sa kani-kaniyang compound.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.