Sinaksak ng mag-utol Binata, Kritikal sa Balat ng Junk Food

NASA KRITIKAL NA kalagayan sa pagamutan ang isang binata matapos itong pagtulungang saksakin ng isang magkapatid na aksidenteng natapunan ng balat ng kinakain ng biktima, kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Kasalukuyang ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Romnick Dela Cruz, 22, ng F. Bautista St., Brgy. Ugong, ng nasabing lungsod.

Nakapiit naman sa detention cell ng Valenzuela City Police ang mag-utol na suspek na sina Edward Deluria y Garcia, 26; at ang nakababatang kapatid nitong si Ed, 22, kapwa ng # 943 Gulod, Cabuyao, Laguna.

Sa isinagawang im-bestigasyon ng Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela-PNP, dakong ala-1 ng madaling araw nang maganap ang madugong insidente sa tapat ng Kiven Store sa kahabaan ng F. Bautista St., Ugong, Valenzuela City.

Nabatid na kumakain ng junk food si Dela Cruz sa naturang lugar nang aksidenteng matapunan ng balat ng pinagkainan nito ang mag-utol na ikinagalit ng mga suspek.

Agad namang humingi ng paumanhin si Dela Cruz sa magkapatid, subalit sa halip na pakinggan ang biktima ay bigla na lamang nagsibunot ng patalim ang mga suspek at pinagtulungang pagsasaksakin ang una.

Mabilis na dinala ang biktima sa naturang pagamutan habang tinangka namang tumakas ng mga suspek, subalit agad namang nasakote dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pulis.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.