Sina Heidi Mendoza at Gen. Danilo Lim!

NAPAHANGA NI HEIDI Mendoza, ang dating COA state auditor, ang sambayanan sa kanyang katapa-ngan sa pagsiwalat ng mga katiwalian sa mga transaksyon sa militar partikular na ng mga taong 2004 hanggang 2006 – noong mga panahon ng administrasyong Arroyo.

Si Mendoza rin ang isa sa mga testigo sa plunder case laban kay dating AFP comptroller at retired general Carlos Garcia.

Isa ang inyong SHOOTING RANGE sa labis na napa-hanga ni Mendoza dahil sa kanyang paglalantad upang masiwalat ang mga dating kabulukan sa ating pamahalaan.

Maging ang ilang mga pulitiko at ibang mga opis-yales sa gobyerno ay bumilib din kay Mendoza at iminumungkahi nilang bigyan ito ng posisyon sa pamahalaan. Ayon sa kanila, siya ay tiyak na magiging epektibo sa ibibigay sa kanyang trabaho sapagkat ito ay isang incorruptible na tao.

Si Customs Commissioner Angelito Alvarez ang isa sa mga nagmungkahing bigyan ng puwesto sa Bureau of Customs si Mendoza para masugpo raw ang mga katiwalian sa BoC. Halos mabilaukan ako sa aking mi-nimeryenda nang marinig ko sa balita ang mungkahi ni Alvarez.

Parang lumilitaw sa sinabi ni Alvarez na batid niyang maraming mga nagaganap na katiwalian sa kanyang bureau ngunit natatakot siyang isiwalat ang mga ito – at kinailangan na magkaroon ng isang katulad ni Mendoza sa BoC para mabulgar ang mga anomalya roon. In fairness kay Alvarez, hindi ko siya masisisi kung ganoon nga ang kanyang nararamdaman.

Paano nga naman susugpuin ni Alvarez ang mga smuggling activities ng mga smugglers sa BoC gayong ang ilan sa mga ito ay pinapadrino ng mga administration officials na mas maimpluwensiya kaysa kanya?

Paano nga naman din siya makakapalag, gayong ang amo niya sa Department of Finance na si Secretary Cesar Purisima ay hindi pa nako-confirm ang puwesto ng Commission on Appointments – at ang mga miyembro ng CA ay kinabibilangan ng mga pulitiko? May mga ba-lita kasing ilan sa mga opisyal ng BoC ay pinadrino ng mga pulitiko sa kanilang puwesto. At ang mga opisyal naman na ito ay kumakanlong ng mga smugglers.

Pero hindi nababagay kay Mendoza ang mabigyan ng posisyon sa BoC. Dahil kapag ipinilit, masasayang lamang ang ipinamalas niyang kabayanihan nitong mga nagdaang araw sa Senado dahil tiyak na lalamunin siya ng isang sistemang pinamumugaran na ng sangkatutak na uod sa kabulukan. Ang sistema na ibinulgar niya sa militar ay magmimistulang isang pirasong uod lamang kung ikukumpara.

Sa katiwalian sa militar, tanging mga miyembro lamang nito ang napapabalitang nakinabang samantalang sa katiwalian sa Customs, mga makapangyarihang opisyal sa gobyerno, maging mga kamag-anak pa mismo ng mga dating pangulo ang napapabalitang nakikisawsaw.

Kaya ang nababagay sa BoC ay isang pinuno na barako, matatag at maprinsipyo. Kung ang inyong SHOO-TING RANGE ang tatanungin, si Gen. Danilo Lim ang swak dito. Kapag si Lim ang ginawang commissioner ng Customs, walang mangangahas na makapangyarihang tiwaling Poncio Pilato ang makapagdidikta sa kanya. Kaya niyang lumaban nang sabayan sa mga taong ito.

Patunay rito ay kung ang mismong amo na nga niya, ang commander-in-chief, ay binangga niya sa ngalan ng prinsipyo noong sumama siya sa Oakwood mutiny, sino pa kaya ang hindi niya kayang banggain sa ngalan ng matuwid na pagseserbisyo?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Sina Heidi Mendoza at Gen. Danilo Lim!

Leave a Reply

Your email address will not be published.