Simbang Gabi sa Navotas, Naging Maayos

NAGING MAAYOS kahapon ng madaling-araw ang unang Simbang Gabi sa Navotas City, dahil sa paghahandang isinagawa ng tanggapan ng Peace and Order Council (POC) ng pamahalaan lokal ng nasabing lungsod na magtatapos sa Disyembre 24.

Ayon kay Navotas Mayor John Rey Tiangco, isang pulong ang ginanap kamakailan ng Traffic and Parking Management Office ng lungsod at Philippine National Police na ipatupad ang maximum security sa kapaligiran ng mga simbahan at iba pang matataong lugar sa lungsod.

Sa mga nakalipas na taon, ang mga nasabing tanggapan ay nagtalaga ng higit sa 200 unipormadong  tauhan sa mga piling lokasyon bunsod ng posibilidad ng pagtaas ng bilang mga kaso ng holdapan, nakawan at pagsisikip ng trapiko.

Hiniling din ni Mayor Tiangco sa mga kapitan ng barangay na paigtingin ang “visibility” ng kanilang mga tanod o Task Force Disiplina personnel lalo na sa pagdaraos ng mga misa.

Samantala, iniatas din ni Tiangco ang agarang pagkakabit ng 18 CCTV cameras na karagdagan sa ginagamit nang 20 units sa mga pangunahing lansangan ng lungsod bilang dagdag na safety measure.

Ang Bureau of Fire Protection at Navotas Local Disaster and Risk Reduction Management Office (LDRRMO), sa pakikipagtulungan ng Navotas Action and Command Center na nag-o-operate ng CCTV cameras at emergency hotline number, 281-111, ay pinaalalahanan din na tiyaking walang mangyayaring sunog sa panahon ng Kapaskuhan.

“These measures are taken to assure that our constituents can have a worry-free Christmas celebration,” ani Tiangco.

“I commend these personnel and most especially, the volunteers, who opted to go on duty even on holidays,” papuri ni Tiangco sa mga kawani at volunteers.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.