Simbang Gabi ng 2 Matandang Dalaga, Sinamantala ng Akyat-Bahay

UMAABOT SA malaking halaga ng mga kagamitan ang nakulimbat ng hindi nabatid na dami ng mga akyat-bahay makaraang mag-Simbang Gabi ang dalawang matandang dalaga sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ang dalawang biktima ay nakilalang sina Jovy Tagorda, 48, accountant; at Gina Quibaldo, 55, stockbroker, pawang naninirahan sa # 75 Heroes del 96, ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-4 ng umaga nang salakayin ng hindi nabatid na bilang na miyembro ng akyat-bahay ang tinitirhang bahay ng mga biktima.

Nabatid na umalis ang dalawang matandang babae upang mag-Simbang Gabi sa San Roque Churh hindi kalayuan sa kanilang bahay, at nang magbalik ang dalawang babae sa kanilang bahay ay nagisnan ng mga ito na nagkalat ang iba pang kagamitan.

Habang nawawala naman ang iba pang mahahalagang gamit tulad ng stero, laptop, TV, component, at iba’t ibang klase ng mamahaling cellphone na may kabuuang halagang P90,000.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang nasabing himpilan ng pulisya ng follow-up operation sa posibleng ikadarakip ng mga suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.