Simbahang Katoliko, Sinopla ng Santo Papa sa Pag-okey sa Condom

GULANTANG ANG CATHOLIC Church sa buong mundo sa paglambot ng Santo Papa sa isyu ng paggamit ng condom.

Pero higit sa lahat, ang Pilipinas na ultra-Catholic ang matinding maaapektuhan ng condom statement ng Papa, lalo na’t nakasalang sa Kongreso ang debate sa pagpapatibay ng Reproductive Health Bill.

Magandang pagkakataon ito para mabuksan ang kaisipan ng marami sa CBCP na kasama rin sa pananampalataya ang pagiging responsableng paghawak ng pamilya at relasyon.

Palaging nakikipagpatayan ang mga pari para labanan ang population management, pero wala namang maibigay na alternatibong kabuhayan sa mga iresponsableng nanay at tatay na ang libangan ay magparami ng bata!

MAY SINDIKATO SA German Embassy.

May tinatawag na AU Fair program sila na ang mekanismo ay kumuha ng mga babae rito na 18-25 years old.

Ang kababaihang gustong sumailalim sa AU Fair program ay ginagastusan ng interesadong pamilya sa Germany mula sa mga dokumento hanggang sa plane ticket.

Ang makukuha ay magiging kasama ng pamilyang kumuha para sa pag-aalaga ng kanilang mga anak o kaya’y maging maid.

Sa bisa ng imbitasyon ng pamilya, madaling nabibigyan ng German visa ang Pinay na nagbabayad ng mahigit three thousand pesos.

Natural na may interview sa German Embassy ang Pinay bago mabigyan ng bisa, pero as easy as ABC ang pagkuha dahil nga may tiyak na foster family siya.

Ito na ang sistema, sa pag-alis ng Pinay, hindi pinayagang makalabas ng immigration dahil kasama pala ang PiIipinas sa mga bansang ban ang AU Fair program.

Sa araw ng kanyang flight, hindi siya nakaalis dahil nakaalerto ang immigration sa mga papuntang Germany.

Pero iba ang nangyari sa mga sumunod na araw.

Iyong Pinay na hindi pinayagang makaalis ay nakagawa ng paraan.

Ayon sa ating A-1 source, nasa Germany na si Pinay dahil sa kanyang abilidad.

Sa impormasyong natanggap natin, nagbigay ng P20,000 ang guardian ng Pinay sa isang Immigration official.

Nasa Germany na ang Pinay at nagtatrabaho na.

ANG TANONG NGAYON, bakit pinapayagan ng German Embassy na makapag-interview ng AU Fair program applicant gayong sila mismo ay alam nilang hindi pala puwede?

Gaano karaming Pinay ang araw-araw ay nasa embahada nila para kumuha ng visa?

Mistula itong panloloko sa mga Pinay.

At direktang pangungunsinti ito sa katiwalian dahil iyong mga pipigilan sa immigration counter ay tiyak na gagawa ng paraan para makalabas ng bansa.

Hoy mga batang Hitler, dapat sa inyo ay nilalatigo ng DFA.

MASYADO NANG MALAKI ang jackpot sa lotto na baka abutin pa ng isang bilyong piso.

Marami ang nagtataka kung bakit sobrang tagal namang tamaan ngayon ang jackpot.

Hindi totoo ang tsismis na kaya hindi matamaan ang lotto ngayon ay dahil hindi na tumataya si Mike Arroyo.

Tamang hinala kayo!

TAUN-TAON AY MALAKI ang kita ng World Trade Center diyan sa Buendia, Roxas Blvd, Pasay City.

Sa dami ng events na ginaganap sa WTC, okupado na ang lahat ng hall sa buong taon.

Pero sa dami ng kanilang pera, bakit hindi man lang nila maayos ang kanilang compound?

Hindi sementadong parking, gula-gulanit na bermuda grass, chaotic parking at sobrang dumi ng paligid.

Maraming trade events ang nagaganap diyan na sinasalihan ng mga foreigners pero, mukhang hindi nahihiya ang management ng WTC.

Gusto n’yo pa yatang si Osama Bin Laden ang maglinis d’yan!

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.