Simbahan: Honorable, ‘di dapat kay Jinggoy

DAHIL SA kinasasangkutang P10 bilyong pork barrel scam, hindi dapat tawaging honorable o kagalang-galang si Senador Jinggoy Estrada dahil lalong bumaba ang moral integrity ng mambabatas sa hindi nito pag-amin at pagsisisi sa naturang isyu.

Ito ay ayon kay Father Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bilang reaksyon sa naging privilege speech ng senador kamakailan.

Sinabi ni Gariguez na hindi sapat ang ginawa ng mambabatas na ‘pagbato ng putik’ sa kanyang mga kapwa mambabatas na para lamang ‘makatakas’ sa ginawang mali ay mistulang nagsabing ‘kami namang lahat ay gumagawa ng katiwalian’.

Iginiit ni Gariguez na ang mas marapat ay tinanggap na lamang ni Estrada ang kanyang kasalanan at pagsisihan ito.

Ayon kay Gariguez, sa ginawa ng senador ay lalo lamang bumaba ang moral integrity nito dahil hindi naman ito nakitaan ng pagsisisi at pag-amin sa ginawang kasalanan.

Binigyang-diin pa ng pari na dahil sa kawalan ng pagsisisi at pagkawala ng antas ng integridad ni Estrada ay hindi umano ito dapat tawaging honorable o kagalang-galang.

Aminado rin ito na nakahihiyang aminin na ang ating bansa ay isang Katolikong bansa ngunit walang integridad at hindi matitino ang mga lider nito.

Samantala, nilinaw pa ni Gariguez na ang kawalan ng pagsisisi ang isang masamang katangian ng mga lider ng bansa, kung saan ang isang requirement sa pagkamit ng hustisya ay pagpapatawad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.